Pumisak ng kambal na panalo ang tatlong ulit na kampeon sa national juniors na si John Paul Gomez sa kapwa International Master Barlo Nadera at National Master Jerry Nodado upang makapag-isa sa pamamayagpag makaraan ang tatlong yugto ng NCFP qualifying tournament grand finals sa Gusali ng Kaban ng Hiyas sa Mandaluyong City kahapon.
Dinemolis ni Gomez, 22, at isang estudyante ng mechanical engineering sa De La Salle University, si Nadera sa 41 sulong ng isang Queen’s Gambit Accepted sa second round kamakalawa at tinigpas si Nodado sa 32-move Sicilian Moscow Opening para mamantine ang perpektong rekord na tatlong panalo.
Ginitla ng multi-titled chesser mula sa Biñan, Laguna si Grandmaster Jayson Gonzales sa pagbubukas ng torneo noong Martes. |