July 04, 2008 - Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
SPORTS NEWS


  DIAZ SA BEIJING
Ni RAMIL CRUZ
 
Umabot na sa 15 ang atletang Pinoy na kakasa upang mawakasan ang mahabang 84 na taong paghahagilap ng medalyang ginto ng bansa sa darating na 29th Summer Olympic Games sa Beijing, China sa Agosto 8-24.
Pinakabagong napasama sa listahan ang 17-anyos na balingkinitang dalaga at tubong-Zamboanga City na si Hidilyn Diaz, na sasabak bilang wildcard entry sa women’s 58-kilogram ng weightlifting.
Hidilyn Diaz

Pinagbigyan ng Tripartite Committee, binubuo ng mga kinatawan ng International Olympic Committee, international federation (International Weightlifting Federation) at ng Association of National Olympic Committee, ang kahilingan sa kaagahan ng taong ito ni Asian Weightlifting Federation honorary president at Philippine Weightlifting Association prexy Monico Puentevella na maging wildcard bet si Diaz sa nalalapit na quadrennial meet.
Kasalukuyang world No. 55 sa 53-kg. event ang Pinay hoister at nagti-training sa China kasama sina Kelly Kay Rojas, Nestor Colonia at coaches Antonio Agustin at Ramon Solis at malamang na magpatuloy pa ng training doon patungo sa Olimpiada.
“We’re very happy about this development,” komento kahapon ng Bacolod City Rep., POC first vice pres. na si Puentevella, na nakatanggap ng liham sa IOC at IWF na may petsang Hunyo 26. “The IOC noted the potential of Diaz despite her young age.”
Si Dr. Tamas Ajan ng Hungary na pumarito sa bansa nang maluklok na AWF pres. si Puentevella noong 2003 ang isa sa malaking impluwensya sa IOC sa pagkakapasok ni Diaz sa palaro. Si Puentevella rin ang RP chef-demission sa Beijing Olympics.
Pumangwalo lang si Diaz sa 12 kalahok sa 53-kg. ng 15th Asian Games sa Doha, Qatar noong 2006. Subalit tinalo niya pa ang mas mga may edad sa kanya na kasali mula sa Central Asia o dating USSR republics.
At sa unang salang sa 24th Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre, nakahagip siya ng bronze medal sa 58 kgs. Edad 13 si Diaz nang mapasok sa isport sa pamamagitan ng pinsang si Catalino Diaz, Jr.
Kamakalawa’y pinangalanan ni Phil. Amateur Track and Field Association chief Go Teng Kok sina long jumpers Henry Dagmil at Marestella Torres bilang wildcard bets din sa athletics.
Ang unang 12 pa-Beijing pa ay sina swimmers Miguel Molina, Daniel Coakley, JB Walsh Ryan Arabejo at Kristell Simms, diver Sheila Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga, taekwondo jins Tshomlee Go at Mary Antoinette Rivero, archer Mark Javier, boxer Harry Tañamor at shooter Eric Ang.

 


Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES