Dear Kuya Rom,
Sa grupo ng high school friends ko, ako na lang ang walang asawa. Siguro natatakot ako dahil sa sampung kaibigan kong nag-asawa na dalawa lamang ang naging maayos ang buhay.
Ang isang kaibigan ko ay nakapag-asawa ng mayaman, pero drug addict naman at matagal nang nasa rehabilitation center, at ang kaibigan ko ang nagtatrabaho ngayon upang mabuhay niya ang apat niyang anak sapagkat ang suportang galing sa pamilya ng kanyang mister ay hindi sapat. Ang isang kaibigan ko naman ay nakapag-asawa ng lalaking guwapo at may matatag na trabaho, pero babaero naman ito at may anak sa labas at may kabit.
Ang isang pang kaibigan ko ay nakapag-asawa ng isang smart na lalaki, sobra yata ang talino na ngayon ay nasasangkot sa graft and corruption sa gobyerno, naging usap-usapan ng bayan at nakakahiya. Ang isa pang kaibigan ko ay nakapag-asawa ng lalaking sobra ang tapang kaya binubugbog siya.
Sa aming pamilya, ang makikita sa labas ay kaayusan -- may sariling bahay at kotse, may stable na trabaho, malaki ang suweldo, hindi nagugutom, pero ang totoo’y maraming nakatagong kalansay ng kapalpakan sa buhay. May bakla ang anak, may tomboy ang anak, magugulo, at dahil dito napipilitan lamang akong sumama sa kanila sa family reunion namin.
Halos lahat ng mga kuwento ng pag-ibig na nababasa at napapanood ko ay tungkol sa pakikiapid, paghihiwalay, wasak na puso, sirang buhay. Lahat ng ito ay nagbibigay ng takot sa akin para hindi na mag-asawa. Pero kapag dumarating ang lungkot ay gusto ko ring maging positibo sa pananaw ko sa pakikipagrelasyon. Paano ko maaalis ang takot ko at umasang may tunay na pag-ibig pa rin? Sana’y may mga suggestions kayo para sa akin. Thank you so much. -- Xeng
Dear Xeng,
Maraming tunay na kuwento ng pag-ibig sa daigdig ang masasabing matagumpay, hindi mo lamang nakikita o nababasa. Ang susi sa kanilang pananagumpay ay pananalig nila sa Diyos na nagmamahal sa atin at namamahala sa ating buhay at alam Niya ang pinakamabuti sa atin.
Ang pananalig sa Diyos ng pag-ibig ang nagbibigay sa kanila ng positibong pananaw sa buhay. Ang pananalig sa Diyos ang nag-aalis ng anumang agam-agam sa dibdib sapagkat ang sagot sa takot ay pananampalataya.
Hindi ka kailan makakikita ng perpektong tao o relasyon. Lahat ng tao, lahat ng relasyon ay may kani-kanyang problemang hinaharap. Kapag ganito ang pananaw mo sa buhay, makatutulong ito para tanggapin mo nang maluwag sa iyong isip at dibdib na ganito talaga ang buhay sa daigdig, may kaakibat na mga pagsubok.
Ang mga pagsubok ay bahagi ng buhay sapagkat sa ating pagharap sa mga ito nagagamit natin ang talinong bigay sa atin ng Diyos. Dito lumalabas ang likas nating dunong, tayo ay nagiging malikhain sapagkat ang Diyos na lumikha sa atin ay malikhain.
May mga pagkakataong hindi natin kayang bigyan ng kasagutan ang isang problema; sa mga pagkakataong ganito pinararanas sa atin ng Diyos ang Kanyang biyaya, Siya mismo ang magbibigay ng kasagutan sapagkat Siya ang Diyos na nangakong kapag lubos tayong mananampalataya sa Kanya hindi Niya tayo iiwan o tatalikuran man. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom