July 04, 2008 - Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Mga siga
Anthony Taberna


Marami na tayong natalakay sa pitak na ito tungkol sa mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na tila baga mga tauhan sa pelikula na hindi tinatablan ng bala, ginagawa kung ano maibigan na walang pangambang baka sila’y maparusahan.
Na imbes na tumiklop kapag nabubuko ang kanilang mga kwestyunableng kilos, lalo pang nagiging mapangahas dahil hindi naman sila magalaw ng mga nakatataas.
Iisa lamang naman ang common denominator ng mga siga sa gobyerno, lahat sila’y pinagkakautangan ng loob ni Pangulong Gloria Arroyo noong 2001, 2004 at nang pumutok ang Hello Garci scandal noong 2005.
Sa hanay ng mga tinaguriang untouchables, hindi naiiba ang madyik na taglay nina Customs Commissioner Napoleon Morales at Caloocan City Mayor Recom Echiverri. Hanepp! Ang bigattt!
***
Mismong Cabalen at masugid na kaalyado ni Pangulong Arroyo, Mayor Jerry Pelayo ng Candaba, Pampanga ang nagtulak ng demanda laban kay Echiverri dahil sa mga ayaw nitong bayarang kontratista sa Caloocan.
Hindi maliit na halaga ang sangkot na pera kaya naman umusad ang kaso laban kay Echiverri katunayan ay inirekomenda na ang anim na buwang preventive suspension dito ng tanggapan ng Ombudsman.
Malapit nang agiwin at alikabukin sa mesa ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang suspension order kay Echiverri pero hindi malaman ni Mayor Pelayo kung bakit wala yatang ballpen na maipang-pirma ang butihing Ombudsman!
Sumulat pa si Pelayo kay Gutierrez at hinahamon ito na patunayang kaya ng Ombudsman na bumangga kahit sa mga siga pero hanggang ngayon ay wala pa ring nahahagilap na ballpen ang Lady Chief Graftbuster ng bansa.
Pero isang source ang nagsabi sa Sanggang-diin, mistulang nag-flex pa ng kanyang muscle si Super Recom nang mabalitaan ang namumurong suspension order at ipinagmalaking hindi siya puwedeng masuspinde.
Nagbanta umano si Echiverri na ibubuko ang tungkol sa mga personal na nalalaman niya sa pagdaya ng administrasyon sa yumaong si Fernando Poe Jr., noong 2004 elections.
Anak ng baka, kambing at kalabaw na dalaga! Siga nga!
Pero kung titiklop at mangangarayom si Madame Gutierrez sa sigang si Recom, magkakaalaman sa susunod na linggo. Abangan!
***
Kaliwa’t-kanang smuggling, talamak na katiwalian sa tungki ng kanyang ilong, mahinang koleksyon at kung anu-ano pang alingasngas sa Bureau of Customs pero hanggang ngayon ay nakatayo pa rin si Commissioner Boy Morales.
Siga rin kung tawagin si Morales. Kung hindi ba naman eh bakit gayon na lamang ang takot sa kanya ni Finance Secretary Gary Teves at mismong ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Nagtayo na si Pangulong Arroyo ng Presidential Anti-Smuggling Group at kung makailang beses na pinagalitan ang mga mas mababang Customs officials sa harap ni Morales dahil sa smuggling.
‘Yun ang kaya ng Pangulo - magparinig at magpatutsada kay Morales. Pero ang sabunin ito at sibakin sa puwesto, No way!
Isang source ang nagsabi sa akin, masyadong maraming alam si Morales hindi lamang tungkol sa administrasyon kungdi maging sa mga kaibigan nina First Gentleman Mike Arroyo at Congressman Mikey Arroyo.
Subukan lang nilang galawin si Morales, baka mapakanta ito ng awiting hindi magugustuhan ng Palasyo. Sino ang mas siga ngayon? Sus Mariano Ka Indo!
***
Dahil nga sa pagiging untouchable, hindi man lamang dinadaga si Morales et al sa mga kuwestyunableng diskarte sa Customs Bureau.
Pinakahuli rito ay ang pagbibigay niya ng mahigit 500 milyong pisong reward sa kanyang sarili at sa mga opisyal at tauhan ng Customs dahil sa umano’y paglampas sa collection target noong 2006.
Alam ko na kayang lusutan ni Morales ang lahat ng batikos at puna tungkol dito kahit pa may alegasyon ng padding sa kita ng Customs para mag-qualify sila sa reward.
Kahit pa nagrereklamo ang Bureau of Internal revenue (BIR) dahil ang EVAT ng imported na krudo na dapat sana’y inireremit sa kanila ay napupunta sa Customs.
Tiyak, sibak na si Morales! Asa pa kayo! Kaw Bin Peh!
(tunying016@yahoo.com)

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES