Nakakuha tayo ng kopya ng liham ni retired Police Gen. Roberto Calinisan kung saan mababasa ang ilang katanungan niya sa mga nag-iimbestiga sa pananambang kay Atty. Rafaelito Garayblas na executive secretary ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Ipinadala ni Calinisan ang dalawang pahinang liham kay P/Supt. Marcelino Pedorozo Jr., na kasalukuyang deputy chief ng Criminal Investigation and Protection Unit ng Quezon City Police District matapos nitong sabihin sa isang pahayagan na may kinalaman si Calinisan sa “ambush” kay Garayblas.
Galit ang tono ng liham ni Calinisan sa lumabas na artikulo sa Philippine Star dahil pinalabas ng reporter na si Calinisan ay isa sa mga “principal suspects” na tinitingnan ng QCPD sa Garayblas “ambush.”
“The statement released to media was made with clear disregard for the truth. My track record will speak for itself as a dedicated public servant whose integrity, loyalty and performance is beyond reproach. It has caused dishonor, discredit and contempt on my person,” ani Calinisan sa kanyang liham na petsang July 2.
Sa naturang liham, tinuruan ni Calinisan ang QCPD kung papaano ang tamang imbestigasyon ng kaso ng Garayblas kung saan maraming mga SOP (standard operating procedure) ang hindi nasunod ng mga imbestigador.
Ayon kay Calinisan, ang unang nalabag na SOP ay ang hindi pag -preserve sa scene of the crime kung saan mas naunang dumating ang mga mediamen para ma-interview si Garayblas na nakuha pang kumaway sa harap ng kamera sa kabila ng katatapos pa lamang na “ambush.”
Nabigo rin ang QCPD na ipasumite for investigation ang mga sasakyan ni Garayblas pati na ang back-up vehicle ng kanyang mga bodyguard na siyang nakapatay sa isang suspected assassin at isang babaeng bystander at pagkasugat sa dalawa pang pinag-hihinalaang suspect.
“Garayblas has yet to submit himself to the police all his aides, including himself, for formal investigation and paraffin test and submit their firearms, slugs and empty shells for ballistic examination. The PNP procedure on this matter is that the firearms must be surrendered and accounted for to disprove information that they are unlicensed, among others,” ani Calinisan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng QCPD na ang napatay na umano’y suspect at dalawa umanong kasama nitong nasagutan ay mga regular na sidewalk vendor sa panulukan ng Quezon at Araneta Avenue kung saan naganap ang sinasabing pananambang kay Garayblas.
May nakapagbulong nga sa atin na ang isang motorsiklong ginamit umano ng mga suspect ay nakuhanan pa ng mga QCPD investigators ng registration papers na nagpapakitang ang naturang motor vehicle ay pag-aari ng Manila City Hall.
Ang isa pang ipinagtataka ng mga imbestigador ay napaka-cooperative ng dalawang nasugatang “suspect” dahil palagi nila itong natatagpuan sa kanilang mga bahay kapag may mga itatanong pa at ni hindi tumakas kung sila nga ay guilty sa naturang pananambang.
Malaking katangungan kung sino ang napatay ng mga tauhan ni Garayblas na ayon sa mga saksi ay isang ordinaryong vendor sa naturang lugar.
Kung totoong inosente ang napatay vendor kasama ang walang kamalay-malay na bystander ay malaki ang pananagutan ng mga bodyguard ni Garayblas na hanggang ngayon ay hindi pa nagsusumite ng kanilang mga baril para sa ballistics test.
“There is more than meets the eye in this alleged ambush. Maybe, it is just a mere zarzuela by Garayblas and his henchmen to cover up for something unlawful which they have done. It pains me why the undersigned, including Atty. Ferdinand Topacio and Atty. Rey Bagatsing are being tagged as the alleged masterminds,” sabi pa ni Calinisan.
Mukhang kailangang laliman pa ng QCPD ang imbestigasyon sa Garayblas ambush para makita kung tunay ngang pananambang ang nangyari o simpleng zarzuela.
|