Tama ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maghanda para sa pagdating ng mga Filipino deportee na ipatatapon ng pamahalaan ng Malaysia mula sa Sabah. Isang reception center sa Zamboanga City ang magpoproseso sa tinatayang 500 deportees bawat trip mula Sabah patungo sa Mindanao, ang back-door entry at exit sa Pilipinas.
Ayon sa DFA ay karapatan ng bawat bansa na idetermina kung sino sa mga bisita nila ang nais nilang paalisin o papanatilihin, ngunit ang anumang deportasyon ay dapat isagawa sa paraan na makatao.
Dapat daw sundin ng Malaysia ang mga internasyunal na batas sa deportasyon ng mga illegal Filipino immigrants doon at hindi na lang basta isakay sa barko nang walang probisyon tulad ng pagkain.
Ang hindi lang natin magets dito sa Usapan ay kung bakit parang kukunsintihin pa ng DFA ang pagbalik sa Sabah ng mga idedeport. Nasabi natin ito dahil sa one-stop documentation center na itatayo rin ng DFA para mag-isyu ng pasaporte sa mga deportee.
Magagamit raw ng deportees ang pasaporte pagbalik nila sa Sabah.
Medyo napakamot tayo ng ulo sa pahayag na ito ng DFA dahil hindi lang naman ang kawalan ng dokumentasyon ng deportees ang isyu rito. Ang totoo’y secondary lang iyan.
Racial problem
Ang tunay na isyu ay ang kawalan ng oportunidad sa Sabah para sa mga nagsusumiksik doon, at ang racial problems na lumalala sa pagitan ng mga Pilipino, Indonesian at native Malaysians doon. Kumbaga’y mas okey sana kung ang tanggapin na natin at ng mga na-deport na hindi na sila makababalik sa Malaysia, nang sa gayun ay maisaayos na ang kanilang kalagayan dito sa Pilipinas.
Ang dapat atupagin ng ating pamahalaan ang reintegrasyon at ang pagbibigay ng ikabubuhay sa mga na-deport. Kung pababalikin kasi natin sila sa Sabah ay parang ipinapasa lang natin muli sa Malaysia ang problema na sa atin naman nag-ugat.
Ang mga Filipino ay problema ng Pilipinas at hindi ng Malaysia.
Gamitero
‘Wag sana gamitin ng isang presidentiable ang mga OFW para makakuha ng pogi points dahil lang napauwi niya ang mangilan-ngilang runaway OFW. Gamit na gamit sa mga TV at radio ads ang mga OFW at obvious ang political agenda sa likod nito.
Ngayon naman ay ipabubusisi raw niya sa Senado ang estado ng mga OFW na nasa death row sa ibang bansa.
Ang hirap kasi sa presidentiable na ito ay hindi niya naisip na mamumulubi siya kung sa bulsa niya manggagaling ang perang ipambibili ng tiket pauwi ng libu-libong runaway OFWs.
Ang nangyari nga ngayon ay mula sa pagbibigay niya ng kanyang “hotline” ay ipinasa na niya sa isang NGO ang responsibilidad sa pagsagot sa mga bumuliglig sa kanya ng tawag.
|