Samu’t saring reaksyon ang lumutang kaugnay sa planong pagtake-over ng gobyerno sa Sulpicio Lines sa sandaling mapatunayang nagpabaya kaya nangyari ang trahedyang sinapit ng humigit-kumulang sa isanlibong pasahero at crew ng M/V Princess of the Stars.
Subalit sa dami ng reaksyon, nananaig ang mariing pagtutol sa panukala ng gobyerno na siya ring aming posisyon.
Maliban kasi sa pagdududa sa kakayahan ng gobyerno na pangasiwaan o patakbuhin ang operasyon ng kontrobersyal na shipping lines nangingibabaw rin ang pag-aalala sa kalagayan ng mga pasahero sakaling mapasakamay ng gobyerno ang pamamahala.
Kaya para sa amin sa halip na ambisyunin at magkaroon ng dagdag na responsibilidad, pinakamainam na tutukan na lamang ng gobyerno ang pagpapatupad ng tamang panuntunan at regulasyon sa shipping industry nang sa gayun ay walang aberyang mangyari sa karagatan at hindi sila binabato ng sisi kagaya ng inaabot ngayon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA).
Sakaling maging maayos ang sistema at matutukan ang shipping industry, puwede itong magresulta ng kaligtasan sa pagbibiyahe sa karagatan ng ating mga kababayan na siyang dapat namang mangyari.
|