Nagpadala po ng liham sa pamamagitan ng email ang isang ina na nagngangalang Cynthia na taga-Sorsogon. Ang sabi ni Cynthia, ano raw ang masasabi ko sa isang sitwasyon na kagaya nang sa kanya na ang nag-iisang anak ay lumaki sa mga lolo at lola na sobra ang luho at layaw.
Nangiti po ako sa sitwasyon ni Cynthia dahil ang mga anak ko po ay sinasabi nilang ‘laki sa layaw’ daw sa mga magulang ko lalo sa aking mapagmahal na ina na si Congresswoman Luwalhati Antonino.
Wala pong masama sa labis na pagmamahal hangga’t walang naidudulot na negatibong asal mula sa mga bata. Ako po ay lubhang nagpapasalamat sa aking mga magulang sa pinakikita nilang pagmamahal sa aking mga anak. Subalit alam natin na minsan ang labis ay hindi nakakabuti, at sa puntong ang labis na pagmamahal sa mga bata ay magiging dahilan na upang ang mga ito ay maging sutil o magpakita ng hindi mabuting asal, ang labis na pagmamahal na ito ay dapat na malimitahan o putulin.
Mahalagang maunawaan ng mga magulang na hindi pangunahing responsibilidad ng mga lolo at lola ang pagtutuwid at pagpapalaki ng maayos sa kanilang mga anak. Ito ay solo at ekslusibong trabaho ng mga magulang. Base rito, mahalaga na ang magulang pa rin ang masusunod sa lahat ng bagay tungkol sa mga bata. At kailangan lang na maunawaan ito ng mga lolo at lola ng bata.
Sa usaping ito, mahalaga ang malinaw at maayos na komunikasyon, sa pagitan ng mga magulang ng bata at mga lolo at lola nito, at komunikasyon sa pagitan na rin ng mga magulang at kanilang mga anak. Mahalagang malinaw na mailahad ang mga alituntunin at batas sa bahay ukol sa disiplina. At ang batas na ito ay mahalagang igalang ng lahat - ng mga magulang, ng mga lolo at lola at ng mga bata.
Patuloy ko po kayong inaanyayahan na ipadala sa akin sa mydarlene2007@yahoo.com o kaya ay i-text sa numerong 09292144014 and inyong mga tanong at mga opinion, mga kwento at mga suhestyon. Sana po ay ilakip ninyo ang inyong pangalan at address sa inyong mga liham at text messages.
|