Hindi makikialam ang Malacañang sa kasong pag-aresto kay dating Assemblyman Homobono Adaza at iba pang kasamahan ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa umano’y coup plot laban sa gobyerno.
Mismong si Press Secretary Jesus Dureza ang nagsabi na pababayaan nila ang PNP sa nasabing kaso at walang magagawa rito ang Malacañang kundi ang tumutok sa anumang kaganapan.
Aminado si Dureza na seryoso ang kasong kinakaharap ng grupo ni Adaza dahil may kinalaman ito sa national security. Gayunman, bahala na aniya ang mga ebidensyang makakalap ng mga awtoridad kung dapat na mapawalang-sala o hindi ang grupo ni Adaza.
“The case obviously involves national security issues hence we are closely monitoring the developments of the case. Since this is in the hands of the PNP, we would rather leave this to the proper agencies to handle. The trajectory of the legal action will be determined by the quantum of evidence available,” ani Dureza.
Maliban kay Adaza dinakip din ng pulisya sina Army Lt. Col. Oscarlito Mapalo, retired Army Colonels Cesar dela Peña at Ernie Amboy, at dating police Sr. Supt. Rafael Cardeño.
Kasalukuyang nakadeteni sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sina Cardeño, Mapalo, Amboy at Dela Peña habang pansamantalang nakaratay sa PNP General Hospital si Adaza sanhi ng hypertension.
Naaresto ang mga naturang personalidad sa entrapment operation ng CIDG kamakalawa ng ala-una ng hapon sa Crown Plaza at Robinson’s Galleria sa Ortigas Center, Pasig City base umano sa reklamo ni Atty. Raymund Fortun na umano’y “proposal to commit coup d’etat, threat, extortion” sa kanyang Japanese client na hinihingan ng mga ito ng P4 milyon para mapondohan umano ang ilalargang kudeta laban sa pamahalaan.
|