July 04, 2008 - Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
ESTUDYANTE NA-GANG RAPE SA CAMPUS
Ni Aries Cano
 

Tulala, hindi na makakain at tila gabi-gabi umanong dinadalaw ng matinding bangungot ang isang 16-anyos na 1st year college student ng isang state university makaraang pagtulungan umanong pagpasasaan ang pagkababae nito ng isang grupo ng mga estudyante na kaklase pa ng biktima sa loob mismo ng school campus sa Maynila.
Kasama ang kanyang ina, nakatatandang kapatid na babae at iba pang kapamilya ay personal na nagsadya sa Manila Police District-Station 8 ang 16-anyos na biktimang sadyang hindi na pinangalanan at isiniwalat nito ang umano’y pambababoy na ginawa sa kanyang pagkababae ng mahigit 10 kalalakihan na kinabibilangan umano ng kanyang mga kaeskwela.
Pasado ala-una kahapon ng hapon dinakip naman ng mga operatiba ng MPD-Station 8 sa pangunguna ni PO3 Robert Matutina ang apat katao na kinabibilangan ng isang 15-anyos na babae at tatlo pang menor-de-edad din na lalaki na nasa 15 at 16 ang edad.
Hinuli ang apat sa loob mismo ng north wing building ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) campus sa Anonas St., Sta. Mesa, Maynila. Magkakaklase umano ang apat na pawang 1st year college at may kursong Marketing Management.
Patuloy naman ang follow-up operations ng pulisya laban sa iba pa umanong mga suspek na sinasabing nanggahasa sa biktima.
Batay sa salaysay ng biktima kay PO2 Virginia Monton ng Women’s and Children Protection Desk, nangyari ang insidente sa loob ng isang bakanteng silid sa bisinidad ng PUP noong Hunyo 25.
Ayon sa biktima, nagkita-kita sila ng kanyang mga kaklase bandang hapon at sinabihan pa umano siya ng 15-anyos na babaeng suspek na ‘freeday’ at may general assembly. Inakala umano ng biktima na may meeting lamang sa eskwelahan kaya sumama siya sa grupo ng mga suspek hanggang sa dinala siya sa isang bakanteng kuwarto sa loob ng campus.
May dala pa umanong alak ang mga suspek at nag-inuman nang patago sa mga guwardiya ng PUP. Pilit umanong pinainom ng alak ang biktima hanggang sa nahilo at nanghina na ito.
Narinig pa umano ng biktima ang pagtawa ng babae na tila nagbugaw sa kanya at sinasabi pa umano nito ang mga katagang “basta binyagan ninyo ‘yan.” Kasunod nito ay may sumampal pa umano sa biktima habang ang iba naman ay pinaghahalikan na ito saka hinubaran bago tuluyang hinalay ng grupo ng mga kalalakihan.
May nakatutok pa umanong patalim sa katawan ng biktima. Nawalan na umano ng ulirat ang biktima at nang magising ito ay madilim na madilim na.
Hindi na umano maalala ng biktima kung paano siya nakauwi ng bahay.
Samantala, naantala umano ang pagsusumbong ng biktima sa kanyang mga kapamilya dala na rin ng takot matapos pagbantaan ng mga suspek na siya’y papatayin.
Gayunpaman, napansin ng kanyang pamilya ang kakaibang kilos ng biktima kung saan
kada oras ay gusto nitong maligo at madalas pang sabihin na maduming-madumi siya. Hindi rin umano makakain, makatulog at natatakot na ring pumasok sa eskwelahan ang dalagita kaya masinsinang kinausap ng kanyang ina at kapatid na babae hanggang sa umamin na ito sa kanyang mapait na karanasan.
Samantala, mariing pinabulaanan ng apat na nadakip ang akusasyon laban sa kanila.
Nilinaw rin ng mga ito na wala silang kinaanibang fraternity at dahilan sa bagong salta pa lamang sa naturang pamantasan ang tanging grupo na kinaaaniban lamang nila ay ang Junior Marketing Executives na ang layunin ay linangin ang kanilang akademikong kaalaman.
Galit na galit din na lumusob sa himpilan ng pulisya ang mga kamag-anak ng apat na dinakip na suspek dahil hindi umano makatarungan ang ginawang pag-aresto sa mga naturang estudyante na pinosasan pa sa loob ng eskwelahan.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang apat habang pinag-aaralan pa ng abogado ng mga ito ang nararapat na hakbangin kaugnay sa nasabing insidente.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES