Mas maraming manonood ang tumutok sa news coverage ng GMA Network sa mga pinakahuling kaganapan sa bansa, ayon sa datos ng AGB Nielsen Media Research Philippines.
Nang pumutok ang balita hinggil sa pagkamatay ng aktor na si Rudy Fernandez, agad na nagpadala ng news team ang GMA Network sa bahay ng aktor at mabilis na naiulat ang pamamaalam ni Fernandez sa Balitanghali ng Q11.
Noong Hunyo 9, mas pinanood ang coverage sa lamay ni Daboy ng 24 Oras. Nakakuha ang 24 Oras ng rating na 29.8% kumpara sa 21.2% ng TV Patrol World.
Noong Hunyo 12, naantala ang programa ng Eat Bulaga para sa coverage ng libing ni Daboy sa Flash Report. Nakapagtala ang Flash Report ng 33.6% na rating, higit na mataas sa 16.7% na rating ng coverage ng ABS-CBN. Kinagabihan, lumamang muli ang coverage ng 24 Oras sa libing ni Daboy at nakakuha ng 31.1% samantalang ang coverage ng TV Patrol World ay naka-22.2%.
Nagkaroon din ng matataas na rating ang 24 Oras nang iulat nito ang pagdukot sa grupo ni Ces Drilon sa tatlong sunud-sunod na araw.
Noong Hunyo 16, naka-30.4% ang 24 Oras kumpara sa 21% ng TV Patrol World.
Noong Hunyo 17, umabot sa 30.5% ang rating ng 24 Oras samantalang 18.5% ang kalaban.
Noong Hunyo 18, nanguna pa rin ang 24 Oras na may rating na 30.1% kumpara sa 23.8% ng programa sa kabilang istasyon.
Napansin din ng mga insider na mga reporter lamang mula sa GMA news teams ang may suot na bullet proof vests habang kinokover ang nasabing delikadong assignment.
Mas marami pa rin ang tumutok sa GMA nang iulat nito ang mga balita hinggil sa typhoon Frank.
Noong Hunyo 22, naantala ang programa ng SOP para sa Flash Report na nakapagtala ng 16.8% na rating, mataas nang 5% sa ASAP ‘08 ng ABS-CBN.
Mas mataas din ang rating ng 24 Oras noong Hunyo 23, ang unang weekday matapos bumagyo sa maraming bayan at lungsod sa katimugang bahagi ng bansa.
Nagtala ng 33.6% na rating ang 24 Oras kumpara sa 20.2% ng TV Patrol World. Banner news sa dalawang magkatapat na programa ang typhoon Frank at ang paglubog ng MV Princess of the Stars.
Nanguna rin ang GMA sa pagpapakita ng mga underwater footage ng nasabing lumubog na barko.
|