ITINANGGI nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ang kumalat na isyung nagpakasal na sila nitong huling bakasyon nila sa Europa.
“Kung gusto naming magpakasal eh sana sa Las Vegas na lang. Madali lang du’n,” natatawang pahayag ni Juday.
Hanggang engagement pa lang daw sila. Hindi pa raw nila pinag-uusapan ang kasal. 
Kung talagang magpapakasal na sila, gusto nilang i-share ito sa kani-kanyang pamilya at mga malalapit na kaibigan dito sa atin.
Ngarag at muntik pang hindi umabot sina Juday at Ryan sa kanilang flight patungong Paris nu’ng Miyerkules nang gabi.
Hinarang kasi sila ng media para makunan ng pahayag tungkol sa mga naglalabasang isyu.
Kagagaling pa ni Juday sa isang commercial shoot kaya naghahabol sila ng oras.
Natawa pa kami sa isang dahilan kung bakit na-delay sila ng dating sa airport. Nakalabas pala ng bahay ni Ryan ang aso niya kaya naghanapan pa sila at ayaw nilang umalis hangga’t hindi ito nakita.
Chaperone lang si Ryan kay Juday sa Paris. Ang Ploning na ipalalabas sa Paris Cinema International Film Festival ang sadya roon ni Juday at pagkatapos nu’n ay babalik sila agad ng Pilipinas.
Natanong na rin ang posibleng pagkikita nila roon ni Piolo Pascual, at wala naman daw diperensya ru’n.
“Ilang beses na kaming nagkita rito sa ibang events, okay lang iyun. Wala namang problema iyun,” sagot ni Ryan.
Sinagot na rin ni Juday ang isyu ng Meralco. Aminado si Juday na apektado siya sa kontrobersyang iyun.
“Bago ko ginawa ang infomercial na iyun, inintindi ko muna. Wala naman akong intensyong kailangang sundin o paniwalaan ako ng mga tao.
“May kanya-kanya tayong paniwala at hindi ko pinipilit kung alin ang gusto nilang paniwalaan.”
Nagpapasalamat si Juday dahil marami pa rin daw ang naniniwala sa kanya at willing suportahan ang lahat ng ginagawa niya.
***
Nagpa-story conference na ang Viva Films para sa pelikulang Civil Status: Single nu’ng nakaraang linggo pero hindi sila nakapagsimula agad ng shooting.
Puno pa ang schedule ni Rufa Mae Quinto lalo na’t may mga commitment pa siya sa ibang bansa.
Baka mga end of July pa sila magsimula. May mga regular taping din ang ibang artistang involved, kaya maaring September pa sila matapos.
Kinikilig si Rufa Mae sa mga lalaking kasama niya na sina Paolo Contis, Alfred Vargas, Rafael Rosel, Jon Avila at Mark Bautista dahil nagseseksihan lahat.
Kumportable siya sa mga ito lalo na kina Paolo at Alfred.
Mukhang mas kinikilig si Rufa Mae kay Jon.
Wala raw problema dahil single daw siya at ilang beses niyang sinabing hindi pa rin siya committed sa foreigner na nali-link sa kanya at naka-base sa Hong Kong.
Samantala, dahil sa pagkapanalo ni Paolo sa Star Awards, lalong nagkainteres ang Viva Films sa aktor kaya isinasama ito sa aspiring MMFF entry nitong Baler.
Interesado rin ang OctoArts na isama si Paolo sa Short Time na aspiring entry rin sa MMFF.
Tuwang-tuwa si Paolo at punung-puno na ang schedule niya.
Isang mamahaling relo ang iniregalo ni Paolo sa sarili pagkatapos niyang magwagi sa Star Awards.
Huwag ko na raw itanong kung magkano at baka masampal pa raw siya ni Manay Lolit.
Hindi na raw ito pinigilan ni Isabel Oli dahil proud na proud ito sa kanya.
Siyanga pala, isang klosetang bading ang role ni Paolo sa Single at siya lang daw talaga ang type ni direk Joey Reyes na gumanap nito.
***
Kaarawan ni Sunshine Dizon kahapon pero wala siyang bonggang selebrasyon.
Sinabihan ito ni Mommy Dorothy na huwag nang mag-celebrate dahil ang focus nito ngayon ay magpapayat.
Paglabas ni Sunshine ng ospital ay tuluy-tuloy na raw ang pagdyi-gym nito para pumayat.
Ayaw na raw ng aktres magpa-lipo at kahit anong diet pills. Magtitiyaga na lang daw siya sa pagda-diet at pagdyi-gym para maganda ang kanyang pagpayat.
Natutuwa si Mommy Dorothy dahil hindi na raw kailangan ng injection ni Sunshine kapag sinusumpong ito ng migraine.
May iniinom na lang daw ito na gamot para sa depression at kapag inaatake ng migraine, nakakaya na rin daw sa gamot.
Nang nakausap namin ang mommy ni Sunshine kahapon, balak daw nilang mag-celebrate ng birthday ng kanyang anak sa Asian Hospital kung saan naka-confine ang lola nito. Silang pamilya lang daw at hiling daw ng lola na makasama si Sunshine sa araw na iyun.
|