Buhay sa ilalim ng tulay


Hulaan Blues

Top Stories

Crime Stories

World Tonite


 

TONITE SPECIAL

Buhay sa ilalim ng tulay

Ni ARIES CANO


Kahirapan ang nagdu- dulot ng ibayong pag- kasiphayo sa bawat mamamayan ng ating lipunan mula pa noon magpahanggang sa kasalukuyan. Sina Juan dela Cruz, Mang Pandoy at Aling Mameng ang ilan sa mga karakter ng ating sosyedad na sumasalamin sa iba’t ibang mukha ng kahirapan.

Nitong Abril 2005, umaabot na sa 12.9 porsiyento ang unemployment rate sa bansa, itinuturing na pinakamataas sa buong Asya.

Ang kawalan na ito ng patrabaho sa bansa ang isa lamang sa dahilan kung bakit maraming Pilipino ang patuloy na nasasadlak sa hirap ng buhay.

Sa likod ng kahirapan na nararanasan ng bayan sa pangkalahatan ay higit na nagkukubli ang matinding pagdarahop ng mga mamamayan na animo’y mga dagang walang masulingan at masilungan kung saan nagkakanlong na lamang sa maliit na lungga bilang kanilang tirahan.

Kilalanin natin ang ilan sa mga pamilyang Pilipino na pinagdamutan ng karangyaan na ang tanging hangad lamang ay mabuhay ng payak, bagama’t salat sa mga luho ng buhay ay sumasamo na magkaroon man lamang sana ng kahit papaano’y maayos na tahanan na sa tuwina’y hindi pinagtatabuyan na halos isuka na sa pamayanan.

ANG PAMILYA ROSAROSO AT MARIBLO BRIDGE

Taong 1990 nang lumuwas sa Maynila ang pamilya Rosaroso, nagbuhat sa lalawigan ng Leyte.

Karay-karay ni Nanay Lourdes ang mga supling nito, una silang nasadlak sa lungsod ng Kalookan sapagkat nagkaroon ng munting awayan sa pagitan ng ilang kamag-anakan.

Pansamantalang nakituloy ang mag-iina at nanilbihan bilang kasambahay sa isang kamag-anak na nagmamay-ari ng talyer. Kaya lamang makalipas umano ang ilang buwan ay nalugi at bumagsak ang talyer kaya’t wala mang mapuntahan, sinikap ni Nanay Lourdes na itaguyod at mapagsama-sama ang kanyang mga anak hanggang sa mapagawi ito at matanaw ang ilalim ng Mariblo Bridge sa kahabaan ng Quezon Avenue, Barangay Sta. Cruz, Quezon City.

Sa ilalim din ng tulay dumadaloy ang isang malaking ilog na noong una ay hindi pa pinamumugaran ng mga squatters at iba pang mga palaboy sa lansangan.

Isa si Cesar Rosaroso, 47-anyos, sa mga anak ni Nanay Lourdes na nagtayo ng munting barung-barong sa ilalim ng tulay ng Mariblo.

Sa ngayon ay may tatlong anak na si Cesar at nagtatrabaho bilang isang welder.

DI SILA NAG-IISA

Sa kuwento ni Mang Cesar, nang simulan nilang tayuan ng bahay ang ilalim ng tulay, umabot umano sa labinlimang pamilya ang kanilang nakasama sa lugar.

Ang bawat pamilya umano ay binubuo ng dalawa hanggang anim na katao.

Subalit sa paglipas ng panahon, dala ng ilang demolisyon na kanilang naranasan, isa-isang nagpulasan ang mga pamilya na matagal ding panahong naglungga sa tulay ng Mariblo.

Sa kabila nito, hanggang sa kasalukuyan naninirahan pa rin sa ilalim ng tulay ang mga kapatid ni Mang Cesar na sina Edgardo, 41; Leonardo, 46 at Rey, 37, gayundin ang kanilang mga pinsan na sina Sopranio Barronda, 43 at Roberto Yubueno, 37.

BASURA ANG PAGDUGTONG SA BUHAY

Nabatid na ang kapatid ni Mang Cesar na si Edgardo ay may apat na anak. Dalawa sa mga ito ang kinalinga na ng Bantay-Bata at pinag-aaral habang ang dalawa ay nasa kanyang pangangalaga, isa ang nasa elementarya at ang isang binatilyo nitong anak ay hindi na nag-aaral dala ng kakapusan.

Sa loob ng halos labinlimang taong (15) ng paninirahan sa ilalim ng tulay, pangangalakal lamang ng basura ang pinagkakakitaan ng naturang magkakamag-anak.

Sa buong magdamag na paghahanap ng basura, kumikita naman umano sila ng P150 hanggang P200 na tunay namang kapos na kapos upang matustusan ang pangangailangan ng bawat miyembro ng pamilya.

Kadalasan umano ay tuyo, noodles at de-lata ang kanilang pinagsasaluhan.

BUHAY NA KASING DILIM NG ILALIM NG TULAY

Wala ring supply ng kuryente kaya tanging kandila at liwanag na nagmumula sa gasera ang nagsisilbing tanglaw ng bawat pamilya pagkagat ng dilim.

Nasanay na rin na magsaing at magluto ng kanilang makakain sa pamamagitan ng panggatong na kahoy.

PANTAWID-UHAW MAY PRESYO RIN

Nag-iigib din lamang ng tubig ang pamilya at nagbabayad ng P4 kada container para lamang magkaroon ng inumin at tubig na gagamitin sa paglalaba at paliligo.

KAYAKAP ANG PANGANIB

Ilan sa mga panganib na kadalasang pinangangambahan ng mga residente sa ilalim ng tulay ay ang pagbaha at ang biglaang pagtaas ng tubig sa ilog.

Inaabot umano nito ang kanilang mga tulugan, kaya’t lumilikas sila at nakikisilong na lamang sa kalapit na gasolinahan.

Sa tuwing bumubuhos ang ulan, lagi na lamang silang kinakabahan sa takot na abutin ng pagtaas ng tubig ang kanilang lungga.

Bukod pa rito, pingangambahan rin nila ang paglindol at pagbigay ng tulay sapagkat sama-sama umano silang malilibing ng buhay sa naturang lugar.

May insidente umanong nagbuwis ng buhay ang isang sanggol nang ito ay maulanan hanggang sa magkasakit at tuluyang mamatay.

May matanda na rin umanong nahulog sa ilog habang natutulog matapos bumigay ang lawanit na dingding.

PINAGMALUPITAN DAW NG MMDA

Minsan na umanong gumawa ng kubo ang pamilya Rosaroso, subalit nauwi lamang sa wala ang lahat nang i-demolish at wasakin diumano ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Maging ang sidecar na inutang lamang sa 5-6 ay kinumpiska rin at pati na rin ang munting bangka na ginagamit na pagtawid sa ilog upang mangolekta ng mga basura na inanod sa ilog ay sinunog diumano.

Sa pagkakatanda umano ni Mang Cesar, Oktubre 23, 2003 nang i-demolish ang kanilang munting barung-barong na itinayo sa ilalim ng tulay. Bukod sa pagsunog sa ilang kahoy na pundasyon ng bahay ay kinuha rin ang kanilang ilang gamit at kasangkapan.

Ayaw na umano nilang gumawa ng kubo dahil kapag namataan uli ito ng mga awtoridad ay posibleng gibain at mauwi na naman sa wala ang lahat ng kanilang pinaghirapan.

‘BUTI PA NOON KAY ERAP’

Hindi naman naitago ng pamilya Rosaroso ang paghanga noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Joseph Estrada sapagkat bago magsagawa umano ng demolisyon ay pinaabisuhan sila at pinaghahanda upang mailagay sa ayos ang kanilang mga naipundar na kasangkapan.

Kaya lamang ang masaklap umano sa kasalukuyan, may mga napapadaan mang mga lokal na opisyal ng gobyerno, tinatanaw lamang sila at hindi man lamang kumustahin o matanong ang kanilang kalagayan na labis umanong nakakalungkot isipin at nakakasakit ng damdamin.

May ilan na rin umanong nangako sa kanilang ire-relocate subalit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin naisasakatuparan.

HANDA SA MAAYOS NA RELOKASYON

Nilinaw ng pamilya Ramoroso, mag-aanak na Barronda at Yubueno na nakahanda naman silang magpa-relocate kahit pa saan basta masiguro lamang nila na maayos ang kanilang kalalagyan, hindi gaya ng basta-basta na lamang silang ipagtatabuyan.

"Sana naman po ay magkaroon kami ng maayos na malilipatan. Hindi na po kami naghahangad ng magandang bahay, kahit kubo lamang po ay pupuwede na para sa amin, basta ang importante po ay ‘yong hindi kami makakasagabal sa mga lugar na ipinagbabawal ng gobyerno," pahayag ng isa sa miyembro ng pamilya Rosaroso.

HILING SA MMDA

"Sana rin po ay maibalik ‘yung sidecar at bangka namin na ginagamit namin sa pangangalap ng basura. Inutang lang po namin iyon at hinuhulug-hulugan mula sa aming kakarampot na kita," dagdag pa ng mga ito.

Sa kabila nito, pinalad naman umano si Mang Cesar sa magkakapatid dahil na-relocate na ito at sa tulong ng National Housing Authority (NHA) ay nabigyan na ito ng sariling tirahan sa Towerville, Del Monte, Sapang Palay, Bulacan.

SI MANG JULIO AT PAMILYA, NAGSISIKSIKAN SA ILALIM NG HAGDAN NG KAMUNING POLICE STATION

Maliban sa mga nabanggit na pamilya na naninirahan sa ilalim ng tulay, balot din ng kalungkutan ang mga naging karanasan ni Julio San Luis, 30-anyos, may-asawa, tubong Bulacan, kung saan naninirahan ito sa ilalim ng hagdanan na nagdudugtong sa ikalawang palapag ng Kamuning Police Station sa Quezon City.

Istokwa o stow away si Julio na lumayas sa kanyang pamilya noong siya ay siyam na taong gulang pa lamang.

Naging palaboy si Julio at hanggang sa makilala nito si Col. Pepito Campos ng Quezon City Police at dating Col. Rodolfo ‘Lakay’ Garcia noong taong 1988 hanggang sa maisama ito at gawing janitor bukod pa sa pagiging utusan.

Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng pagkakataon si Julio na pansamantalang gawing tulugan ang ilalim ng hagdanan na dating ginagawa lamang tapunan ng dumi ng mga gumagalang bata.

Simula 1988 hanggang sa kasalukuyan ay naninirahan pa rin si Julio sa ilalim ng hagdanan ngunit kasama na ang kanyang maybahay na si Veronica Abiano, 25-anyos at tatlong supling na sina Jerico, 5; Arnold, 3 at ang isang buwang sanggol na si Angel.

PAG-ASA SA GITNA NG PANGANIB

Isa sa pinangangambahan ni Julio at pamilya nito ay ang paglindol kung saan posibleng madaganan ng konkretong hagdanan ang kanyang pamilya.

Bukod dito, anumang oras umano ay maaari silang palayasin kapag nakainitan ng mga awtoridad.

Bagama’t paminsan-minsan ay sumasala umano sa pagkain, kahit papaano ay nairaraos naman ni Julio ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang ‘street sweeper’ na isa sa mga programang patrabaho ni Pangulong Arroyo.

Gaya ng pamilya Rosaroso at iba pang nagdarahop na pamilya, bukas-palad at buong pusong tatangapin ni Julio ang anumang tulong na iaalok ng gobyerno, partikular na ang pagkakaroon ng maayos na matitirahan niya at ng kanyang pamilya.

Mapanganib man, gumagaan naman ang kanilang kalooban sa tuwing nagkakahugis ang pag-asa na balang-araw, kung kailanman, ay maawa at kalingain sila ng pamahalan.

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top