JANUARY 25, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
SPORTS NEWS


  Byuting netters sa Aussie Open finals
 

MELBOURNE, Australia --- Maghaharap ang dalawang naggaganda­han at mahuhusay na tennis player sa finals ng Australian Open, matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa semifinals.


Dinispatsa ni Maria Sharapova ang isang Serbian player sa semifinals para ikasa ang pakikipagtuos sa isa pa para sa Australian open championship.
Matapos talunin si No. 1-ranked Justine Henin sa quarterfinals, pinadapa naman ni Sharapova si third-seeded Jelena Jankovic via 6-3, 6-1 semifinal win kahapon, Huwebes.


Siniguro naman ni Ana Ivanovic na isa sa dalawang Serbian na umak­yat sa semifinals ang susulong sa susunod na round, sa pamamagitan ng pahirapang panalo laban kay Daniela Hantuchova.


Humabol pa si Ivanovic na natalo sa unang walong games.
Nakuha ni Ivanovic ang early break sa second set at pagkatapos mabawi ang break points sa 10-minute game na nag-deuce o tabla ng pitong ulit, ay nakakuha pa ng crucial break sa third.


Pumalya ang routine volley sa net ni Hantuchova para sa break point sana sa ninth game ng deciding set kaya nakuha ng nagkumahog pang si Ivanovic ang pagkakataong mag-serve para sa match.

Naipanalo ni Ivanovic ang laro, 0-6, 6-3, 6-4, sa loob ng dalawang oras at 10 minuto nang bumalandra sa net ang forehand ni Hantuchova para sa match point.
Mas kumbinsido naman ang naging panalo ni Sharapova. Dalawang araw matapos tuldukan ang 32-match winning streak ni Henin, nilaktawan niya si Jankovic para umakyat sa final sa Sabado at tangkain ang ikatlong Grand Slam singles title.


Ginamit na motibasyon ni Sharapova ang nakakadismayang 6-1, 6-2 pagkatalo kay Serena Williams sa Australian final noong nakaraang taon.
“You have your bad moments in your career and you have your good moments and it’s been a good ride so far,” ani Sharapova.


Hindi pa natatalo ng kahit isang set sa anim na matches sa Melbourne park ang 20-anyos na si Sharapova ngayong taon. Nasungkit niya ang kanyang first major sa Wimbledon noong 2004 at idinagdag sa tropeo ang U.S. Open Title noong 2006.


Leading pa si Sharapova, 5-0 sa first set bago natuhog ni Jankovic ang tatlong set points na nagpahiyaw sa crowd na na­tulala sa ipinakitang dominasyon ng una sa kaaga­han ng laro.


Sa tulong ng dala­wang double-faults ng Russian at ang nakuhang dalawa pang set points sa susunod na game ay nakadikit pa sa 5-3 si Jankovic.
Pero lalo lang itong nagpatindi sa palo ni Sharapova, na konti na lang ay magiging sigaw na ang trademark na ungol, para humataw ng isang ace para sa kanyang ikaanim na set point na sinundan ng isang drop shot para sa winner.


Sa kabila ng nakuhang 46 percent lang sa kanyang mga unang serves sa set, pumalo naman ng 20 winners si Sharapova kontra sa tatlo ni Jankovic.
Sa second set, tumanggap ng magkasunod na treatment sa kanyang back strain si Jankovic, na humiga habang pinamasahe ng physiotherapist ang kanyang lower back area.


Na-delay pa ng 10-minuto ang match dahil habang nagwa-warm up ang dalawang players ay biglang umulan kaya isi­nara ng organizers ang bubungan ng Rod Laver Arena.

 

 


Microsoft Internet Explorer 7