Dear Tita Nora,
Sumulat ako dahil sa boyfriend ko.
Mabait po siya, thoughtful, sweet at religious. Okay din ang family niya at may stable na ring trabaho.
Mahal na mahal niya ako, Tita Nora. Nararamdaman ko po iyon. Gustung-gusto na nga niyang magpakasal kami kaso hindi pa ako handa. Kakaumpisa ko lang kasing mag-work at first job ko ito.
Ang problema ko lang talaga sa kanya, pag naumpisahan niya akong lambingin ay parang gusto niyang tuluy-tuloy na. Parang gusto na niyang may mangyari sa amin.
Mahal ko po siya pero natatakot akong baka mabuntis akong hindi pa kami nakakasal. Gusto ko sana’y ibigay ang lahat sa kanya pag honeymoon na namin. Ano po ang dapat kong gawin?
Irma
Dear Irma,
Kanya-kanya ng pagdadala ng relasyon ang mga lalaki.
Kung ‘feel’ mo at inaakala mong ‘di ka naman madedehado’y hindi masamang magpaubaya sa taong mahal mo basta huwag lang kayong lalagpas sa limitasyon.
Pero kung ganyang hindi ka pa handa ay tama lang na sabihin mo sa kanya ang mga kondisyones mo.
Kahit mahal mo siya’y mainam na iyong umiiwas ka sa ‘temptation’. Isa pa, kung talagang mahal ka niya’y irerespeto niya ang desisyon mo at igagalang na rin ang iyong pagkababae.
Kung inaakala mong lumalagpas na siya sa boundary ay paalalahanan mo siya. Ikaw na rin naman ang nagsabing gusto mong mangyari ang lahat pagkatapos ng inyong kasal. Sa puntong iyan ay ibayong pag-iingat ang gawin mo at iwasan mong madarang. May tamang oras naman at panahon para riyan.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora