Dear Kuya Rom,
May girlfriend po ako na 25 years old. Pero pagkatapos ng isang taon na sa aking palagay ay pinakamasayang bahagi ng aking buhay, nakipag-break siya sa akin last month.
Ang dahilan ay ang aking panggabing schedule sa trabaho. Gusto niya nadi-date ko siya sa gabi. Romantic daw sa gabi. Nasabi niya ito ‘pagkat panay sa araw ko siya nadi-date, kasi nga may trabaho ako sa gabi.
Napag-usapan namin na magpakasal kami pero tiyak daw na hindi niya matatagalan ang mga gabing hindi kami magkasama. Kailangan ko raw maghanap ng ibang trabaho. Pero ito lang ang alam kong trabaho sa ngayon. Matagal na ako rito. Ang trabaho kong ito ang nakatulong sa akin para maranasan ang pag-unlad sa buhay.
Ako ay 29 years old at nais ko nang makapag-asawa. Kaya lang, parang walang babaeng sumiseryoso sa akin dahil sa aking trabaho sa gabi. Sana’y mapayuhan mo ako, Kuya Rom. Mahal ko siya, nais kong magkabalikan kami at matuloy ang kasal namin. Marami pong salamat. -- Sandro
Dear Sandro,
Mukhang magkaiba kayo ng hilig at panlasa sa iba’t ibang bagay. Maaaring naghahanap ang girlfriend mo ng isang lalaking kaisa niya sa hilig at panlasa.
Sa isang taon ninyong magkasintahan, maaaring nakita niya na hindi kayo compatible, hindi magkasundo, hindi magkabagay. Maaaring nakatagpo na siya ng ibang lalaki na kasundo niya. Ipanalangin mo na sana’y hindi pa, para may pagkakataon kayong magkabalikang muli.
Sa relasyon ng mag-asawa, may mga tao na binibigyan ng halaga ang pagkakaroon ng magkatugmang hilig (compatibility). Kadalasan kasi, ang pagkakaiba ng hilig ay nagsasanhi ng pag-aaway.
Halimbawa, ang babae ay gusto ng sine na iyakan, ang lalaki ay gusto ng bakbakan. Ang lalaki ay gusto ng comedy, ang babae ay mahilig sa drama. Kaya’t tungkol palang sa sine na panonoorin ay nag-aaway na ang dalawa. May tampuhan. May nawawalan ng gana. May naiinis.
Ngunit sa dalawang pusong nagmamahalan, hindi dapat ito pinag-aawayan at nagiging ugat ng paghihiwalay. Bakit, pagkat ang tunay na pag-ibig ay hindi iginigiit ang kanyang hilig at gusto kundi nagbibigay siya sa kung ano ang gusto ng kanyang minamahal. Natutuwa siyang ibigay ang hilig ng kanyang minamahal. Natutuwa siyang makita na nagagalak ang kanyang minamahal kapag natutupad ang kanyang gusto.
Halimbawa, kapag ang lalaki ay mahilig sa bulalo at ang babae ay ayaw nito ‘pagkat ang gusto niya’y lechon, bibili ng lechon ang lalaki, at mag-aaral na magluto ng bulalo ang babae. Mahal nila ang isa’t isa na nagbibigayan sila.
Sa sitwasyon ninyong dalawa, dapat nagbibigayan din kayo. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya na mai-date mo siya sa gabi. Mayroon ka namang vacation leave, di ba? Gamitin mo ito para sa iyong minamahal. Ligawan mo siyang muli.
Pag-usapan ninyong dalawa na mag-ipon para magkaroon ka ng puhunan at magnegosyo ka na lamang sa araw. Pag-usapan din ninyo na maaari kang magtrabaho sa araw pero hindi ibig sabihin na ang kita mo ay kasing laki ng suweldo mo sa gabi, kaya’t kailangang ninyong maging masinop sa pamamahala ng kaperahan ninyo.
Higit sa lahat, gawin ninyong pundasyon ng inyong relasyon ang inyong relasyon sa Panginoong Jesus. Lumapit kayo sa Kanya, walang imposible sa Kanya. Magagawa ng Diyos na kayo’y maging magkasundo at maligaya.
God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom