JANUARY 25, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Hatsing ng Amerikano
SANNGANG DIIN ni: Anthony Taberna


Sa pangamba ng tuluyang pagbagsak ng ekonomiya ng Estados Unidos, nakita agad kung paano naapektuhan ang kabuhayan ng lahat halos ng bansa kabilang na ang Pilipinas.


Kahit magpalakas-loob pa si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ibinida sa Davos, Switzerland na umuunlad ang ekonomiya ng Pilipinas, hindi maikakaila na sasakit din ang ating kasu-kasuan kung hindi mapi­pigilan ang panlalata ng Amerika.


Marami nang mga ekonomista ang nagsabi na madadagukan ang mga Pinoy kapag tumigil o nagbawas ang mga Kano ng binibiling produktong Pilipino lalo pa’t ang US ang pangunahing trading partner ng Pilipinas.


Sa pagdami ng mga istambay na Amerikano, nami­miligrong maagawan ng trabaho ang mga Pilipinong an­dun sa Estados Unidos.


Hindi rin kataka-taka kung maging jobless ang mara­ming kababayan natin na nagtatrabaho sa mga call centers dahil malamang na kundi man bawasan ay baka isara na ito ng mga kumpanyang Amerikano.
Kaya kahit anong muscle pa ang ipakita ni Pangulong Arroyo para payapain ang mga Pilipino sa nakaumang na krisis, tila hindi pa rin napapawi ang ating pangamba.


Iyan nga kasi ang hirap dahil sa masyadong pagdepende ni Juan dela Cruz kay Uncle Sam sa maraming bagay lalo na sa pinansyal, kalakalan at seguridad.
‘Ika nga, kapag humatsing ang Amerikano…nagkakasipon pati ang mga Pilipino!


***
Naalala ko tuloy ang linya ni dating Pangulong Joseph Estrada sa isa niyang patalastas noon -- walang tutulong sa Pilipino kundi kapwa Pilipino.
Oo nga’t kokonti ang bilang ng mayayamang Pinoy kung ikukumpara sa mga nagdarahop na Pilipino. Ilang beses na rin nating naisulat kung gaano kalaki ang agwat nila.


Pero sabi nga ng ekonomistang si Professor Cielito Habito, dating bossing sa National Economic and Development Authority (NEDA), nasa kamay ng mga Pilipinong negosyante ang pag-asenso ng bansa.


Binanggit niya na ayon sa mga datos, mas marami ang dayuhang negosyo sa Pilipinas kumpara sa domestic o lokal na negosyo. Ibig sabihin, iniipit ng mga Pinoy ang kanilang puhunan sa iba’t ibang kadahilanan.
Kung mas daragdagan ng mayayamang Pilipino ang kanilang negosyo, mas darami aniya ang oportunidad sa trabaho at pag-unlad ng bawat mahirap na pamilyang Pinoy.


Sa dami ng likas na kayamanan at taal na pagiging masipag ng mga lahing kayumanggi, akmang-akma aniya sa pagnenegosyo ang Pilipinas.
Ang masama nga lamang, habang dumarami ang likas na yaman ay super bilis din ang pagdami ng mga kawatan sa gobyerno na nakaka-turn off sa mga negosyante na maglagak ng puhunan sa bansa.


‘Yun ang problema -- sa bandang huli, sa isang malinis na gobyerno pa rin dumedepende upang totohanang umasenso ang bansang ito!


***
Bago ko isara ang pitak na ito, tumanggap ako ng text mula kay Mang Totchi Vicencio na lahi ring Novo Ecijano.
Tulad ng maraming Pilipino, hindi siya makapaniwala sa booming economy na ipinagmamalaki ni Pangulong Arroyo.
Kung hindi pa aniya naimbento ang instant noodles, tiyak na mas maraming Pinoy pa ang nagugutom.


Mang Totchi, napaka-killjoy mo talaga! Hayaan mo na ang Pangulo na mangarap. Pumikit ka na lang!


(tunying016@yahoo.com)

 

 

Microsoft Internet Explorer 7