JANUARY 25, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 

Bumalik ang illegal gambling sa Maynila

OUT OF ORDER ni: Raymond Burgos


Pansamantalang nahinto ang operasyon ng iligal na sugal sa Maynila nang maupo bilang alkalde si Mayor Alfredo Lim noong Hunyo 30, 2007 dahil na rin siguro sa takot ng mga pulis kay “Dirty Harry.”


Pero ilang buwan lang ang nakalipas ay nanumbalik ang illegal gambling sa lungsod at tila walang ginagawa ang Manila Police District sa ilalim ni Chief Supt. Boysie Rosales para mapahinto ang talamak na iligal na sugal.
Bumalik ang operasyon ng mga iligal na sugal sa Maynila matapos mag-ikot ang isang De Jesus at magsabi sa mga gambling lords na may go-signal na raw sila sa MPD.


Balita natin ginagamit ni De Jesus ang pangalan ni Gen. Rosales para mangalap ng intelihensiya mula sa mga operator ng horse racing bookies, lotteng at maging sa mga prostitution dens at nightclubs na may malaswang palabas.


Ayon sa ating impormante, umaabot sa P500,000 kada linggo o P2 million kada buwan ang koleksyon ni De Jesus mula sa mga iligal na pasugalan.
Ilan sa mga gambling lord na nahihingan ng protection money ni De Jesus ay sina Tom Pulis, Jojie Marcelo at alyas Lorna na may horse racing bookies at nagbibigay ng tig-P60,000 weekly.


Umaabot naman sa P70,000 kada linggo ang nakukuha ni De Jesus kay Apeng Sy na operator din ng bookies sa Maynila; P80,000 weekly naman ang payola mula sa pa-bookies ni Lando Simbulan; P30,000 weekly sa pa-bookies ni Val Adriano at P100,000 weekly kay Lito de Guzman.


Tig-P10,000 naman ang kinokolekta ni De Jesus sa mga nightclub at beerhouse na ginagamit na front ng prostitusyon at nagpapalabas ng mga bold show. Hindi pa kasali rito ang koleksiyon sa illegal terminal ng sasakyan at mga illegal vendors na ibang pulis ang nangangasiwa.


Bilib kay De Jesus ang mga beteranong pulis-Maynila dahil minsan na rin itong napatapon sa Basilan sa Mindanao noong panahon ni Sen. Ping Lacson bilang hepe ng Philippine National Police pero nakuhang makabalik sa MPD.
At hindi lang nakabalik sa Maynila si De Jesus kundi nakuha niya rin muli ang dati niyang trabaho bilang kolektor ng mga matataas na opisyal ng MPD.


From the ranks si De Jesus na ang ibig sabihin ay galing siya sa pagiging patrolman at dinaanan lahat ng ranggo bago naging kapitan o senior inspector.

Balita natin ay mula nang maging pulis si De Jesus ay sa intelihensiya na siya na-assign kung kaya na-master niya ang ganitong klase ng gawain at nakilala ang lahat ng gambling lords sa Maynila.


Sa sobrang husay nga ni De Jesus sa “art of gambling collection” ay maraming mga batang pulis na natututo sa kanya at mas gugustuhing maging kolektor ng intelihensiya kaysa maging intelligence officer.


Isa halimbawa rito si Murata na isang pulis-Maynila rin at ngayon ay nagpakilalang kolektor sa buong National Capital Region Police Office (NCRPO) na nasa ilalim naman ni Director Geary Barias.


Hindi lang natin alam kung ano ang magiging reaksyon sa kolum na ito ni Gen. Rosales na kilala natin bilang isang maga­ling na opisyal at malapit kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.


Kapag nabalitaan kong natigil ang ilegal na sugal sa Maynila, ang ibig sabihin ay walang alam si Gen. Rosales sa aktibidad ni De Jesus.
Pero kung nagpatuloy ang operasyon ng mga gambling lords sa Maynila ang ibig sabihin ay hindi nabasa ni Gen. Rosales ang ating kolum. Nakakalungkot nga lang kung ganoon ang mangyayari.

 

Microsoft Internet Explorer 7