Nagtanong po si Aling Luisa ng Olongapo City kung pabor ba raw po ako sa charter change o ‘cha-cha.’ Napakalaking issue po ang usapin ng pagbabago ng Saligang Batas para sagutin ng ‘oo’ o ‘hindi’.
Talakayin po muna natin ang isang punto lang sa isyu ng cha-cha. Marami sa ating mga kababayan ang nag-iisip marahil na isa sa mga mapapalitan ay ang political system ng ating pamahalaan, na mababago mula ‘presidential’ patungong ‘parliamentary’. May ilang nagsasabi na mas mabubuhay raw ang ating ekonomiya dahil mas kahika-hikayat daw sa mga foreign investors ang isang bansa sa ilalim ng isang parliamentary form of government.
Hindi po ako kumbinsido sa aspetong ito. May mga bansa ang patuloy na naghihirap kahit nasa ilalim ng isang parliament government. Kapag ba mas maraming investors, mas maraming mga dayuhan ang magmamay-ari ng ating mga negosyo, mas okay ba ‘yun at mas hindi ba tayo maghihirap?
Sa atin pong sitwasyon, hindi ba’t sa kasalukuyan ay malakas ang ating piso sa pandaigdigang merkado? Ito po, ayon sa administrasyon ay patunay ng isang malakas na ekonomiya, pero ang tanong ay kung napapabuti ba ng malakas na piso ang araw-araw na buhay ng isang simpleng mamamayan?
Kung ilalagay natin sa simpleng usapan, ano ba ang pinakamabigat na dahilan kung bakit nakakaranas ng kahirapan ang ekonomiya ng isang bansa? Sa palagay ko ay hindi dahil ito ay nasa isang presidential form of government kundi dahil sa hindi maayos na pamamalakad ng isang pamahalaan sa pera ng bayan.
Tulad na lang po sa usapin ng foreign debt. Hindi ako sang-ayon na ang malaking bahagi ng perang nakukuha ng bansa dahil sa malakas na piso ay mapunta lamang sa pagbabayad ng ating utang kundi dapat paikutin, patubuin at palakihin muna alang-alang kay Juan dela Cruz. Sa puntong ito, hindi kailangang baguhin ang Saligang Batas upang pasiglahin ang ating ekonomiya di ba?
Para sa akin, ang tiwala ng tao sa kung ano talaga ang dahilan kung bakit nais baguhin ang ating Saligang Batas ay mahalagang aspeto sa usaping ito. Kailangan munang maalis ang pagdududa na nais lamang pakialaman ang kasalukuyang Konstitusyon para lang tumugma sa ibig mangyari ng iilan na marahil ay para sa kanilang pansariling kapakanan lamang.
Kung tutuusin, sundin lang natin at huwag labagin ang bawat titik ng kasalukuyang Saligang Batas, marami sa ating mga suliranin ang malulutas.
Nais kong maging malinaw, Aling Luisa, na isang aspeto lang ang ekonomiya sa usapin ng cha-cha. Marami pang dapat na masusing pagtuunan ng pansin upang makumbinsi ang bayan na ngayon na nga ang tamang panahon para rito.
Patuloy ko po kayong inaanyayahan na ipadala sa akin sa mydarlene2007@yahoo.com o kaya ay i-text sa numerong 09292144014 and inyong mga tanong at mga opinion, mga kwento at mga suhestyon. Sana po ay ilakip ninyo ang inyong pangalan at address sa inyong mga liham at text messages.