Nasa paligid lamang ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga smugglers na pumapatay sa ekonomiya ng bansa at nagpapahirap sa mga taxpayers.
Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Liza Maza kaugnay ng iniuumang na kampanya umano ng Malacañang laban sa mga smugglers matapos mabunyag na umaabot sa P16 bilyon ang nawawalang kita sa oil smuggling.
Sa panayam kay Maza, walang mangyayari sa kampanya ni Arroyo laban sa smugglers hangga’t wala itong political will na isakripisyo ang mga taong nasa paligid nito na kung hindi man protector ay sila na mismo ang smugglers.
“Naku, bago sila magtagumpay diyan, isakripisyo muna niya ang mga nasa paligid niya. Nasa paligid lang naman niya ang mga smugglers,” pahayag ni Maza.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Maza kung sinu-sino ang mga smugglers na nasa paligid lamang ni Arroyo subalit sigurado aniya na mayroon itong ideya kung sino ang mga ito.
Sa Senado, binatikos din ni Senate President Manny Villar ang ginawang pagbulag-bulagan ng administrasyong Arroyo sa oil smuggling sa bansa.
“Hindi kapani-paniwala na hindi alam ng gobyerno kung sino ang nasa likod ng oil smuggling. Ang laki-laking transaksyon niyan eh. Dapat matigil ‘yan,” pagdidiin ni Villar.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on ways and means noong Miyerkules, naghugas-kamay ang Bureau of Customs(BOC) sa naipuslit na langis sa bansa.
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Napoleon Morales na walang nangyayaring hokus-pokus sa kanilang tanggapan.
Aniya, ang smuggling ay maaaring nagaganap sa loob ng Subic Bay Freeport kung saan wala siyang hurisdiksyon sa mga nangyayari sa loob ng Freeport. ()
|