Sinupalpal ng mga militanteng grupo ang Department of Finance (DOF) matapos ikatuwiran ng departamento na tanging mayayaman ang makikinabang kapag inalis ang Expanded Value Added Tax (EVAT) sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa Bayan Muna na pinamumunuan nina Reps. Satur Ocampo at Teddy Casiño sa Kamara, walang basehan ang pahayag ng DOF na tanging ang mga mayayaman lamang ang makikinabang kapag inalis ang 12% EVAT sa langis dahil direkta ring makikinabang dito ang mga mahihirap.
Ipinaliwanag ng dalawang mambabatas na kapag bumaba ang presyo ng langis, hindi na magkakaroon ng fare hikes lalo na’t mayroong pending petition ang mga bus operators na magtaas ng pasahe.
Maliban dito, bababa anila ng hanggang P59 ang bawat tangke ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) kung saan aabot sa 8.6 milyong bahay sa buong bansa ang makikinabang.
Makakatipid din, anila, ang mga tsuper at madaragdagan ang kanilang iuuwing kita araw-araw kapag bumaba ang presyo ng krudo sa sandaling alisin ang EVAT sa diesel.
Dahil dito, kinastigo ng mga nabanggit na mambabatas ang DOF na pinamumunuan ni Secretary Margarito Teves dahil mistulang wala itong balak na tulungan ang taumbayan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. ()
|