Nagbago na ang posisyon ng Department of Health (DOH) kaugnay sa “Generic Only Provision” na isinusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi naaakma na magkaroon ng probisyon sa Cheaper Medicine Bill na nagbabawal sa pagsusulat ng brand ng gamot sa mga reseta ng mga doktor para lamang isulong ang pagtangkilik sa generic drugs.
“At this point, it would appear that there is no need for such provision,” ani Duque sa panayam.
Aniya, mayroon nang mga pag-aaral na nagsasabi na laganap na rin naman ang paggamit ng mga Pilipino sa mga generic na gamot.
Iprinisinta rin ni Duque sa pakikipagpulong niya sa Philippine Medical Association (PMA) kahapon ang isang survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan nagpapakita na 54 porsyento ng mga respondents ay gumagamit ng mga generic na gamot.
Nilinaw naman ni Duque na ang pagsuporta niya sa bersyon ng Senado kung saan hindi kabilang ang “Generic Only” na probisyon ang siyang nasa likod ng paglambot ng PMA sa naunang banta na hospital holiday.
Sinabi ng Kalihim na wala naman talagang balak ang mga doktor na magsagawa ng ganitong hakbang bagkus ay maituturing lamang itong last resort sakaling maging ganap nang batas ang bersyon ng Kamara.
“I did not meet with them to dissuade them because there is really no plan of holding hospital holiday in the first place,” paglilinaw ng opisyal. ()
|