Wala umanong silbi ang malakas at mabangong pangalan ng oposisyon sa 2010 national elections kapag tinapatan ito ng malaking pondo ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa panayam kay Nueva Ecija Rep. Carlos Padilla, sinabi nitong dapat paghandaan ng oposisyon ang napakalaking pera na isusugal ng administrasyon sa mga magiging kandidato nito sa 2010.
Ipinaliwanag ni Padilla na kung pera ang pag-uusapan, hindi hamak na liyamado ang administrasyon dahil hawak nito ang kaban ng bayan bukod sa kanilang organisasyon.
“Kung pera, marami niyan ang administrasyon dahil hawak nila lahat ang resources ng government,” pahayag ni Padilla.
Aniya pa, hindi rin malayong mamuhunan ang gobyernong Arroyo sa watak-watak na organisasyon ng oposisyon para makakuha ng panalo.
“Kung fair ang laban, panalo na ang oposisyon dahil mabango sila sa mga tao pero kung hindi sila magkakaisa at marami silang tatakbo, dehado sila (oposisyon),” ani Padilla.
Ihinalimbawa ni Padilla ang nangyari noong 2004 presidential election kung saan maraming oposisyon ang lumaban kay Arroyo. Aniya, nanalo si Arroyo dahil sa pera at sa solidong organisasyon.
“Buo kasi ang organization ng administration that time at hawak pa nila ang resources ng government kaya lumamang si Presidente Arroyo,” ani Padilla.
Ito umano ang dapat iwasan ng oposisyon kung nais nila na sila ang mamumuno sa gobyerno sa 2010.
Sa ngayon ay umaabot sa anim ang presidentiables ng oposisyon na kinabibilangan nina Senate President Manny Villar, Sens. Lacson, Loren Legarda, Mar Roxas at Makati Mayor Jejomar Binay.
Samantala, umapela na si House Speaker Jose de Venecia Jr., sa mga presidentiables na magpatupad ng one year moratorium sa pamumulitika upang mapagtulungan ang nakaambang problema sa ekonomiya ng bansa bunga na rin ng nagaganap na recession sa Amerika.
Sa isang panayam, sinabi ni De Venecia na malayo pa ang 2010 presidential election at dapat munang kalimutan ang pulitika dahil mas nangangailangan ng atensyon ang ekonomiya ng bansa na maaapektuhan sa economic recession ng Amerika.
Ipinaliwanag ni De Venecia na dapat munang magsakripisyo ang mga presidentiables para sa ekonomiya ng bansa dahil kahit anong gawin ng Pilipinas ay hindi maiiwasang maaapektuhan ito sa recession sa Estados Unidos.
“I am calling for at least one year moratorium in politics so that we can put our strength all together to protect our economy against the looming recession in US economy,” pahayag ni De Venecia.
Naniniwala si De Venecia na kapag nagkaisa ang mga presidentiables ay maiibsan ang epekto ng pagbagsak ng ekonomiya ng Amerika sa Pilipinas.
Bilang halimbawa, sinabi ni De Venecia na isasantabi muna ng kanyang partidong Lakas-CMD ang paghahanap ng magiging standard bearer para sa 2010 presidential election.