Nandito kami ngayon sa Pearl Farm Beach Resort (Kaputian, Island Garden City of Samal, Davao del Norte) para sa annual celebrity event ng Nivea.
10:00 AM kaming lumipad kahapon pa-Davao. Itsurang may fans’ day sa domestic airport sa Maynila kahapon dahil ang daming nagkaipun-ipong artista na panay mag-a-out of town.
Nadatnan namin na pinakamaaga sa airport si Jolina Magdangal, na hindi namin ka-join sa Davao, kundi may show sa Iloilo City kaugnay ng Dinagyang Festival doon.
Panay taga-ABS-CBN ang kasama ng taga-GMA na si Jolens sa nasabing Iloilo raket: sina Mark Bautista, Rachelle Ann Go at Erik Santos.
Tuwang-tuwa ang fans kina Jolens at Erik dahil magiliw sila sa lahat ng gustong magpapiktyur.
Hindi namin nakita sina Mark at Rachelle Ann, hindi tuloy namin nakantiyawan ang dalawa tungkol sa ‘Boracay issue’ sa kanila.
Mas maaga ang flight nina Jolens kesa sa grupo namin. Maya-maya ay isa-isa nang nagdaratingan ang mga celebrity participants ng Nivea.
Early bird si Tyron Perez na 4:00 AM pa lang daw ay nagdya-jogging na sa neighborhood nila sa Valenzuela. Nu’ng Nivea event sa Panglao Island sa Bohol two years ago ay isinugod sa ospital si Tyron dahil na-dislocate ang kaliwang braso niya sa isang sports activity na sinalihan niya.
Ayon kay Tyron ay okey na ang left arm niya. Nakuha raw ito sa therapy kaya hindi na siya kinailangang operahan.
Kasama rin si Tyron sa Nivea event last year sa Camsur at sweet na sweet sila ng girlfriend niyang young star na si Charee Pineda.
This time ay mag-isa na lang si Tyron dahil break na sila ni Charee na tatlong taon din niyang nakarelasyon.
***
Nag-flashback sa amin ang swit-switang eksena ng magsyotang Alessandra de Rossi at Jeremy Marquez doon din sa Bohol.
Nang maghiwalay sina Alex at Jeremy last year ay kapwa sila missing in action sa Nivea event sa Camsur.
Maya-maya ay nagulat kami nang biglang umapir sa harapan namin si Alex. Ka-join siya ngayon sa Davao. Nauna-una lang si Alex, kapagkuwan ay sunod namang dumating sa airport si Jeremy!
Si Boy2 Quizon na kasa-kasama ni Alex. Nang huli namin siyang mainterbyu sa set ng Kamandag ay ayaw pag-usapan ng dalaga ang ex-BF niyang si Jeremy at obvious na hindi maganda ang paghihiwalay nila.
Heto na, nang lumapit sa may kinauupuan namin nina Ate Pilar Mateo at Kuya Ces Evangelista si Alex, nakita namin siyang papalapit sa kinatatayuan ni Jeremy kaya akala namin ay ibebeso niya ito.
Pero parang walang nakita ang Alex at kitang-kita naming dinedma niya at hindi pinansin o tiningnan man lang si Jeremy!
***
Magkasabay na dumating ang magkapatid na Jomari at Ryan Yllana.
In fairness ay may mga nagpapapiktyur din kay Ryan dahil napapanood siya sa Takeshi’s Castle, huh!
Si Jom ay may promo pa raw ng Palos, pero hindi niya mahindian ang imbitasyon ng Nivea. Biniro siya ni Ate Pilar kung bakit hindi niya kasama ang nobya niyang si Pops Fernandez.
“Wala, birthday ng bunso (Ram Nievera) niya, eh! Ang lungkot ko nga, eh!” dayalog ni Jom, na tatawa-tawa at hindi naman malungkot habang sinasabi ‘yon.
Kasama rin naming bumiyahe kahapon sina Joey Marquez, Antonio & Jay Aquitania, Joyce Jimenez, Mylene Dizon, Bubbles Paraiso, Jordan Herrera, Maggie Wilson, Benj Besa, JM Rodriguez, Say Alonzo, atbp.
Na-miss namin ang ex-dyowa ni Mylene na si Paolo Paraiso na always present at palaging team leader sa sports events ng Nivea.
***
Heto na ang twist sa ‘dedmahang’ Alessandra at Jeremy. Pagdating na namin ng Davao, habang naghihintay kaming makasakay ng bangka papunta sa Pearl Farm namin natanong si Alex tungkol sa pang-iisnab niya sa ex-papa niyang si Jeremy.
Sey ng Alex, “Hoy, hindi! Nagbatian kami, ‘no! Binati ko siya, hindi n’yo lang siguro nakita. Pagkakita ko sa kanya, binati ko na siya. Hindi kami nagdedmahan, we’re friends, ‘no!?”
Nu’ng una ay parang hindi kami kumbinsido na okey na silang dalawa, pero may ginawa si Alex na nagpatunay na hindi na siya galit kay Jeremy dahil nagagawa na niyang makipagbiruan ulit dito tulad ng dati.
Nu’ng nasa bangka na kaming lahat ay umupo ang kikay na si Alex sa mismong tapat ng kinauupuan ni Jeremy at humirit ng, “Ayan, tapatan tayo! Wala na tayong choice ngayon, face-to-face! Umayos ka, ha?” sabay tawa.
Patawa-tawa lang din si Jeremy sa pagpapakuyut ng kanyang ex-girlfriend.
Pagdaan nina Joey at Jomari ay tinawag pa ni Alex si Tsong at pinaupo ito sa tabi niya.
‘Kaaliw talaga si Alessandra kaya nakatuwaan siyang kunan ng pictures ni Bubbles at feel na feel ng hitad ang mag-project-project habang naglalayag ang aming bangka.
***
Pagdating namin ng Pearl Farm Beach Resort ay dinatnan namin doon ang naunang batch (5:00 AM ang kanilang flight) na sina Paolo Contis, Mark Herras, Nadia Montenegro, Alynna Asistio, Jimwell Stevens, Brad Turvey at Tito Douglas Quijano.
Ngayong araw na ito magsisimula ang ‘Refreshingly Fun Under the Sun’ sports activities ng Nivea sa Malipano Island.
Tuloy ang sports competition hanggang bukas at kinagabihan ang awards night. Sa Linggo ay back to Manila na ang grupo.