Isang matandang binata at isang mister na diabetic ang kapwa namatay matapos magpatiwakal sa magkahiwalay na lugar sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.
Pinaniniwalaang bunsod umano ng labis na problema sa buhay kaya naisipang magpakamatay na lamang ni Jilario Caganpan, 43-anyos, binata at residente ng Block 1 Lot 22 Natividad Subdivision, Burgos, Rodriguez.
Nadiskubre na lang umano na nakabitin sa loob ng Rodriguez Public Market si Caganpan ng isa niyang tindero na si Joey Bordeos.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, matinding problema sa buhay ang naging ugat upang wakasan ni Caganpan ang kanyang buhay.
Samantala, bunsod naman umano ng taglay na karamdaman kaya winakasan ng isang mister ang kanyang buhay matapos magbigti sa loob ng kanilang bahay sa Rodriguez.
Sa ulat ng Rodriguez Police Station, kinilala ang nasawi na si Faulino Nicolas, 49, may-asawa at nakatira sa 174 Sitio Libis, Bgy. Rosario, ng nasabing bayan.
Base sa ulat, nadiskubre ng kanyang anak na si Sonny Nicolas, 21-anyos, ang pagpapakamatay ng ama matapos makitang nakabitin ito sa loob ng kanyang silid.
Lumalabas umano sa impormasyon ng pulisya na matindi na ang diabetis ni Nicolas at napag-alaman pa na nasa dugo na ito ng kanilang angkan. ()
|