Nakahanda na ang kasong isasampa ng Manila Fire District-Arson Division ngayong araw sa Manila Prosecutors Office laban sa drayber at nangangasiwa ng sumabog na tanker na nagresulta sa pagkamatay ng isang ama ng tahanan at malubhang pagkakasugat ng maybahay nito gayundin sa pagkakapinsala ng mahigit 10 pang sasakyan sa Maynila.
Batay kina SFO2 Wilson Tana at FO2 Guillermo Firmalino, may hawak ng nasabing kaso, nakapagbigay na umano ng affidavit of complaint si Marx Aquino, anak ng nasawing si Melencio Aquino at ng malubhang nasugatang si Gng. Gemma Aquino gayundin ang iba pa na nagmamay-ari ng mga napinsalang sasakyan dulot ng pagsabog ng tanker.
Patuloy na naka-confine sa UST Hospital si Gng. Aquino sanhi ng tinamong 3rd degree burn at pagkasunog umano ng halos 52% ng bahagi ng katawan nito.
Kakasuhan umano ng “reckless imprudence resulting to multiple damage to property with homicide and serious physical injuries” ang driver at nangangasiwa sa tanker.
Samantala, ayon naman kay FO1 Lords Hernandez, arson investigator, posibleng makasuhan din ng paglabag sa Fire Code of the Philippines ang kumpanya na nangangasiwa sa tanker.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nabatid na hindi pa rin umano lumulutang ang driver ng tanker na si Leonardo Benamir.
Sa kabila nito, nakikipag-ugnayan naman umano sa Manila Fire Department ang pamunuan ng BG Haulers Inc. (may-ari ng tanker) kung saan isang Teodorico Baldonado umano ang sinasabing operator nito.
Ayon kay FO1 Hernandez, ilan sa mga posibleng naging trigger ng pagsiklab ng apoy ang umano’y pagkakaroon ng short circuit sa electrical wiring ng tanker. Maaaring nagkaroon din umano ng friction kung saan posibleng may bumagsak na matigas na bagay sa ilalim ng tanker na naging dahilan para magliyab.
Gayunpaman, ayon sa mga arson investigator ang tiyak lamang umano ay ang pagkakaroon ng tagas o leak ng tanker.
Pasado alas-10:00 ng gabi kamakalawa ng sumabog ang tanker sa paanan ng northbound lane ng Nagtahan fly-over malapit sa kanto ng G. Tuazon St., Sampaloc, Maynila.
Napadaan lamang sa lugar ang mag-asawang Aquino at lulan ng kanilang Toyota Altis (XKS-309) .
|