Matigas talaga si Filipino ring icon Manny Pacquiao. Kagabi ay walang bahid ng panghihinayang na inihayag niyang hindi na umano matutuloy ang laban nila ni British champion Ricky Hatton sa Mayo 2. Dahil hindi aniya maaaring ang kampo ni Hatton ang masusunod sa negosasyon. “Hindi naman puwedeng sila (Hatton) ang magdikta at ako ang susunod sa kanila, nasan naman ang pride ko?” himutok ni Pacquiao.
 |
MANNY PACQUIAO |
Hindi na ba magbabago ang isip niya para tanggapin ang laban?
“Wala na. Nasan ang paninindigan ko kung sila ang masunod?” pakli pa ni Pacquiao.
Kung matatandaan, ilang linggo na ring sinusubaybayan ang negosasyon sa pagitan ng kampo ni Pacquiao at ni Hatton.
Kung saan, ang unang hindi napagkasunduan ay ang alok ng British camp na 50-50 split sa revenue.
Nais ni Pacquiao na mas mataas ang maging parte niya. Kaya’t naging 55-45 at guaranteed purse na $12M. Hindi pa rin kinagat ni Pacquiao ang panibagong alok.
Kamakalawa ay lalong naging matensiyon ang pag-uusap ng magkabilang kampo, nang magbigay ng ultimatum si Hatton at maging si Top Rank promoter Bob Arum, kung saan binigyan ng hanggang alas-sais ng hapon si Pacquiao para pirmahan ang kontrata.
Ang bagay na ito ay lalong nagpatigas sa damdamin ni Pacquiao, para tuluyang ibasura ang sinasabing isa na namang ‘megabuck fight.’
Para sa Filipino boxing champion, ipinaglalaban lamang niya ang kung ano ang sa tingin niya’y parehas na hatian at premyong dapat niyang matanggap.
“Hindi naman ako magulang, fair lang sa lahat ‘yung hinihingi ko,” sambit pa ng 30-anyos na Pinoy boxer.
Ayon pa kay Pacquiao, hindi umano siya nanghihinayang kung hindi man matuloy ang laban nila ni Hatton.
“Nakikipag-usap na sa amin ‘yung kampo ni (Floyd) Mayweather,” tanging sambit niya hinggil sa susunod na plano. |