January 23, 2009 Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
SPORTS NEWS


Ano’ng kasunod?
Virgi T. Romano
 
Bago ang lahat, hinihiling ko po sa aking mga kaibigan na isama sa kanilang mga panalangin ang mabilis na paggaling ng aming ama, na kasalukuyang nakaratay sa banig ng karamdaman. Salamat.
***
Habang tinitipa natin ito, wala pang pagbabago sa pinakahuling pangyayari sa Manny Pacquiao-Ricky Hatton superfight.
Sabi, magpapatuloy na lang daw si Manny ng kanyang pag-aaral at malamang dawn a mag-enrol ito sa Ateneo o La Salle para kumuha ng Political Science o Management course.
Hindi natin alam kung gaano kaseryoso si Manny sa plano niyang ito.
Kung magkakagayon, handa na ba siyang talikuran na ang boksing?
Hindi na ba masusunod ang orihinal niyang plano ngayong taon, na dalawa o tatlong laban bago niya tuluyang isabit ang mga gloves sa pagtatapos ng 2009?
Pero, hindi pa naman tapos ang negosasyon at pag-uusap eh. Maaring bukas paggising natin ay mabasa na lamang nating nilagdaan na ni Manny ang kontrata at tuloy ang saya…tuloy ang Hatton fight.
May punto si Manny. May punto rin si Ricky.
Teka. Sino ba ang dapat magdikta? Si Manny o si Ricky?
Kung natatandaan n’yo, hindi ba’t kamuntik na ring hindi matuloy ang laban ni Manny kay Oscar De La Hoya noong Disyembre? Pero, napahinuhod si Manny at naging pakunsuwelo niya ang mga sinasabi ng marami, kasama na ang kanyang promoter, na kapag tinalo niya si Oscar, siya na ang magiging No. 1 boxer sa buong mundo. At nagawa niya iyon. Pinaluhod niya bago mag-ika-9 na round ang tinaguriang Golden Boy.
Naging No. 1 P4P si Manny dahil sa panalong iyon.
At dahil siya ang itinuturing na pinakamagaling sa buong mundo ngayon, tulad na rin ng ibinentang linya sa kanya ng mga taong nakapaligid sa kanya, pati na ang kanyang promoter - - marahil ang nasa isipan ni Manny, panahon na para siya naman ang magdikta.
Eh, para ano nga naman at world’s No. 1 siya, kung siya pa rin ang pinasusunod? Nasaan nga naman ang respeto.
Isa pa, naiinis si Manny sa ginagawang pagpi-pressure sa kanya para pirmahan ang kontrata ng laban kay Hatton.
Kung hanggang kailan tatagal ang laro ng magkabilang panig, ‘yun pa rin ang ating aabangan.

 


Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES