Kung may Manny Pacquiao tayo sa boksing at Willy Wang sa wushu, meron din tayong Dan Inosentes sa arnis at Monsour Del Rosario pati Toni Rivero sa taekwondo. Sa mundo ng full contact sports at martial arts, maituturing na may alas ang mga Pinoy dahil sa natural na angking tapang at walang takot na masaktan.
Magandang isipin na kaya ng Pilipinong makipagsabayan sa mga mahuhusay na atleta sa internasyonal na aspeto lalung-lalo na kapag ‘di kailangan ang “height” o “taas” sa paligsahan.
Sa darating na unang linggo ng Pebrero, ang Philippine Muay Thai ay mabibigyan ng pagkakataon sa center stage sa pagdaraos ng “Best of the Best” tournament sa Makati Sports Club. Ang kompetisyon ay kabibilangan ng mga miyembro ng National Team, training pool at mga kampeon na nahirang sa mga division championship ng Philippine Olympic Festival nitong lumipas na taon.
Ayon sa Presidente ng Muay Thai sa Pilipinas na si Robert Valdez, ang mga manlalaro sa torneo ay ‘di magsusuot ng headgear at body armor- marahil para din maisunod sa sikat na mundo ng mixed martial arts at para maitaas din ang level ng excitement sa isang araw na bakbakan.
Ang popularidad ng Muay Thai ay umakyat dahil sa mga panalo na naiuwi ng ating mga National Athletes noong nakalipas na 2005 at 2007 na SEA Games na ginanap sa Maynila at Bangkok. Ang pagdami din ng mga kilalang mga “celebrities” na lumalaro ng Muay Thai ay nakatulong din sa laro upang mas lubos na makilala ang mga mahihilig sa “Extreme Sports”. Ang mga katulad nila Robin Padilla, Judy Ann Santos, Dingdong Dantes at Angel Locsin ang mga gumanap bilang mga manlalaro ng Muay Thai sa kanilang mga pelikula at maging sa telebisyon, dahilan upang nakadagdag sa kasikatan ng Muay Thai.
Ang mga magiging kampeon sa “Best of the Best” na palaro ay lalahok sa First Asean Martial Arts Games sa Bangkok sa Abril, at sa Third Asian Indoor Games sa Vietnam sa Oktubre.
Nais din ng liderato ng Philippine Muay Thai na masapul ang preparasyon ng Team Philippines para sa darating na South East Asian Games sa Disyembre sa Laos, Vietnam.
Ganito kahalaga ang hakbang na ilunsad ang palarong ito. Malaking posibilidad na pagdiskubre sa mga bagong talento, makapagbigay ng masusing pagsasanay sa mga trainng pool at masala ng husto ang mga talento para sa mas matibay na koponan sa Team Philippines. |