Dear Kuya Rom,
Ako po ay working student, nagtatrabaho sa isang fast food chain sa araw at pumapasok sa college sa gabi. Konti lang ang units ko kaya 24 years old na ako ay hindi pa nakakatapos. Isang taon pa ang bubunuin ko.
Ang problema ko ay may sakit ako na Multiple Sclerosis. Nalaman ko ito noong isang taon, sabi ng doktor ko, kasabay ng pagkakaroon ko ng bagong boyfriend. Parehas kaming working student at magtatapos siya ngayong taong ito. Hihintayin daw niya akong makatapos bago kami magpakasal.
Hindi ko masabi sa kanya na may sakit ako. Hindi niya nahahalata na may sakit ako sapagkat hindi naman ako sinusumpong sa mga araw na lumalabas kami. Pero alam ng aking pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan.
Ano po ba ang tamang panahon para sabihin ko sa lalaking mahal ko ang tungkol sa aking karamdaman na hindi siya magagalit sa akin? Masasaktan ba siya kapag sinabi ko ang totoo at mabatid niyang matagal akong naglihim sa kanya? Kung masasaktan siya, at ayaw ko siyang masaktan, gaano katagal kong ililihim ang lahat? Salamat po sa inyong maipapayo. -- Nikka
Dear Nikka,
Sa susunod na lumabas kayo, sabihin mo sa kanya ang totoo. Ipaliwanag mo na matagal mong pinigil ang sarili sa pagsasabi sa kanya tungkol sa iyong karamdaman hindi para maglihim o magsinungaling sa kanya kundi dahil ayaw mo siyang mag-alala at masaktan. Naisip mong sabihin sa kanya ang totoo ngayon hindi para saktan o guluhin siya kundi upang maging bukas at malinaw ang lahat, umaasang mauunawaan ka niya.
Ito ay magsisilbing susi upang malaman mo rin kung sadyang mahal ka niya at hindi ka iiwanan. Ang pagsasabi mo ng totoo ay mapanganib para sa iyo pagkat baka ito maging daan upang ikaw ay layuan ng lalaking mahal mo at masaktan ka. Ngunit sadyang ganyan ang buhay na lumalakad ng matuwid, nagpapakasakit, nasasaktan, pagkat may kabayaran ang pagsasabi ng katotohanan.
Anuman ang ibubunga ng iyong pagtatapat sa iyong boyfriend, maging matatag ka sa pagtanggap nito. Kung tatanggapin ka niya ng buong puso, liligaya ka. Kung lalayuan ka niya, huwag kang panghinaan ng loob, ikaw ay may malalapitan na higit na nagmamahal sa iyo. Ang Diyos.
Sa iyong kalagayan, marahil ikaw ay nananalangin sa Diyos. Subalit kung hindi mo pa nagagawa ang lumapit sa Kanya at hindi mo alam ang gagawin, kailangan mong manampalataya. Manalig kang ang Diyos ay pag-ibig at ibinigay Niya si Jesus sa iyo upang ikaw ay lumapit, sumampalataya sa Kanya at hindi mapahamak. Pagsisihan mo ang iyong mga kasalanan at magsimulang muli sa habag ng Diyos. Sa pamamagitan ni Jesus, ikaw ay magkakaroon ng bagong buhay, bagong simula, bagong pagkatao, bagong pag-asa.
Walang imposible sa Diyos. Ang kailangan mo lamang ay manampalataya at buong pusong lumapit sa Kanya. Isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo ang nakarinig ng katotohanan tungkol kay Jesus bilang Panginoon, Tagapagligtas at Dakilang Manggagamot. Lumapit ang babae sa Kanya. Sinabi ni Jesus: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananalig sa Akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.”
Ang tao ay nagkakaroon ng pananampalataya kung siya ay nakaririnig ng katotohanan, ng Mabuting Balita. Panghawakan mo ang narinig mo ngayon. Manampalataya ka kay Jesus at makasusumpong ka ng Kanyang kahabagan. Hindi ka Niya tatalikuran o iiwanan man. Tulad ng babaeng lumapit sa Kanya, mararanasan mo ang Kanyang walang hanggang pag-ibig. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom |