Mistulang gumuho ang pangarap ng mga planholders ng tatlong pre-need companies na legacy, scholarship at all asia plans.
Biglang nagsara ang tatlo nang walang pasabi! Nalugi raw sila bunsod ng krisis sa ekonomiya.
Tuliro ngayon ang mga planholder dahil hindi nila malaman kung paano babawiin ang mga naihulog na nilang kontribusyon.
Konektado ang Legacy sa mga rural bank na pagmamay-ari ng pulitiko at negosyanteng si Celso Delos Angeles na nagsara nitong mga nakaraang buwan.
Dobleng dagok pa dahil P357 million na lang ang natira sa trust fund ng Legacy, 133-million pesos naman sa scholarship.
Hindi sapat para mabayaran ang lahat ng kanilang planholder.
Anong solusyon kaya ang plano ng gobyerno rito? May plano nga ba para sa mga planholders?
***
Gusto man siguro nating makisaya sa pagluklok sa puwesto ni US President Barack Obama, pero hindi natin ito magawa.
Paano ba naman, hindi na tayo magkandaugaga sa sangdamakmak na problema tulad na lamang ng mga nagkakaloku-lokong negosyo kabilang ang mga bangko at pre-need companies.
Ang labis na nakakadismaya, sa mga kuwentong tulad nito, ang maliliit ang naiisahan at umuuwing talunan at luhaan.
Tulad din ni Obama, pag-asa ang inalok ng mga pre-need firms na ito kaya maraming Filipino ang naengganyo.
Pag-asa ng maganda at maginhawang kinabukasan at edukasyon para sa karamihan nating kababayan.
Kaya nga ang pinaghirapang pera na dapat sana’y ipambili ng kanin at ulam ng pamilya, naihulog pa sa naturang kumpanya.
Kumbaga, inagaw lang natin ito sa bibig ng ating mga kapamilya ngunit ngayon, tatanaw-tanaw tayo sa malayo dahil ang salapi ay naglaho.
Ang hirap nga lamang sa ating gobyerno, ‘yung mga malalaking tao na ang pera’y dinispalko, pinalulusot pa sa kaso. Susmariano ka indo!
Haay buhay, kelan kaya magiging parehas ang laban sa ating lipunan...Ang mayamang loko ay ipipreso at katarungan ay ibibigay sa ating mga inaping kababayan?
Pangarap na lang yata ito sa ilalim ng administrasyong Arroyo!
***
Yari si State Prosecutor John Resado matapos ibuko ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may pumasok na 1.6 milyong piso sa account nito at kanyang misis sa bangko noong Disyembre 2,2008 na siyang petsa ng resolusyon para ibasura ang kaso laban sa Alabang Boys.
Mahirap kagatin na ito ay galing sa lending business lamang ni Resado.
Isang simpleng kaso lamang ito ng 1+1. Sabi nga ni Tony Calvento, walang katotohanang hindi nabubunyag!
Lagot din si Speedy Gonzalez!
(tunying016@yahoo.com)
|