January 23, 2009 Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Panawagan kay Gen. Bataoil
Raymond Burgos


Isa si Director Leopol­do Bataoil ng National Capital Region Police Office sa mga hinahangaan nating opisyal ng Philippine National Police dahil sa kanyang magandang track record sa serbisyo.
Bago naging hepe ng NCRPO si Bataoil, na­ging hepe rin siya ng PNP-Public Information Office, Northern Police District, Police Regional Office 1 (Ilocos Region) at Directorate for Police-Community Relations kung saan niya nakuha ang kanyang ikalawang estrella.
At bagama’t naging kontrobersyal ang kanyang naging pagpasok bilang NCRPO chief (dahil sa naganap na shootout sa Parañaque kung saan tatlong inosente ang napatay ng mga pulis), maganda pa rin ang kanyang pa­lakad sa pinakamalaking regional command ng PNP.
Ang problema lang ni Bataoil ay mukhang may sumisira sa kanyang pangalan sa katauhan ng isang Sgt. Sandoval na nagpapakilalang “bagman” ng NCRPO sa mga gambling lords at may-ari ng mga nightclubs.
Bukod sa pangalan ni Bataoil ay bitbit din ni Sandoval ang pangalan ng isang Col. Macaraeg na siyang ginagamit niyang panakot sa mga nagpapa­laro ng iligal na sugal gaya ng lotteng, horse racing, video karera at saklang patay.
Ayon sa ating impormante, umaabot sa P850,000 kada linggo ang koleksyon ni Sandoval o maliwanag na P3.4 million kada buwan kapalit ng proteksyon mula sa mga raid na magmumula sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
Kabilang sa mga gambling lords na iniikutan ni Sandoval sina Oyie, Pandette, Tom Pulis, Lorna, Manix, Boy Collado, Lo­uie Timbang, Lidas, Bob, Laarni, Jojo, Rose, Abril, Pinong, Ver, Lito Motor, Lando, Boyet Kalabaw, Danny, Edmon, Lucy at Rannie.
Regular din ang pasada ni Sandoval sa mga nightclub na may bold show gaya ng Hollywood, Lanai, Grandeur, Stardust, Legacy, Mystique, Regs, Imperial, Encounter, Cyprus, Queen’s Castle, Binibini, Miss Asia, Wild Cat, Fantastic, Peace World, Miss Universal at Nirvana.
Kung gustong paimbes­tigahan ni Bataoil si Sandoval ay madali niyang magagawa dahil isang utos niya lang sa kanyang assistang regional director for investigation ay ipapatawag agad ang naturang sarhento para sa imbestigasyon.
Madali ring makumpirma ang kanyang pag-iikot sa mga gambling lords at nightclub sa pamamagitan ng pagkausap sa mga ito ng mga taga R-2 (assistant regional director for intelligence) at tiyak na sasabihin nila ang totoo.
Pero kung nagkataong nakikinabang din ang ilang miyembro ng R-Din at R-2 sa aktibidad ni Sandoval ay wala talagang kahihinatnan ang gagawing imbestigasyon at mismong si Gen. Bataoil ay mananatiling bulag sa kanyang sariling bakuran.
Bukod kay Sandoval, dapat din sigurong imbestigahan ng PNP itong isang Maj. Aguila na nag-o-operate rin sa iligal gambling sa ilalim ng Games and Amusement Board na nasa pamumuno ni Chairman Eric Buhain.
Balita kasi natin, sa Camp Crame ang mother unit ni Maj. Aguila pero kung bakit naman nagsusumiksik siya sa GAB at ang puntirya niya pa ay ang mga operator ng larong lupa.
Mukhang dapat talagang pag-ibayuhin ni PNP Director General Jesus Verzosa ang kanyang kampanya laban sa mga pulis na ICU (Incompetent, Corrupt and Unfit). Baka sa kampanyang ito makabawi si Verzosa sa black eye na inabot sa “euro generals.”

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES