January 23, 2009 Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
“Pag-asa at Pagbabago”
Darlene Custodio


May bagong Pangulo ang Estados Unidos. Si Presi­dent Barack Obama. Marami sa ating mga Pilipino, dito sa bansa at sa ibang parte ng mundo, ang nanood sa panunumpa ni Obama bilang ika-apatnapu’t apat na pangulo ng Amerika at nakilahok sa kagalakan na tila bumalot sa buong mundo noong madaling-araw ng Enero 20, petsa rito sa Pilipi­nas.
Nagbunyi ang buong mundo, nagdiwang, nagsaya, dahil ang Amerika ay mahalagang bansa at mahalaga para sa maraming ekonomiya ang pangulong mahahalal nito. Kung kaya naman tila ba iniasa na, ipinagkatiwala, at iniatang na ng marami sa balikat ni Obama ang pag-asa at pagbabago.
Kung kaya marahil ay marami ang tila nadismaya sa itinuring ni Secretary Ermita na dapat daw ay mas matuto si Obama kay Pangulong Arroyo dahil mas matagal nang Pangulo si Gng. Arroyo kumpara kay Obama. Ang tanong ng marami, nasusukat ba sa tagal ng paninilbihan ang katuturan ng isang lider?
Ang Pilipinas ay itinuturing ng international community na isa sa pinaka-corrupt na bansa sa mundo. Alam natin na ang korupsyon ay pangunahing dahilan ng kahirapan, gutom, krimen, at higit sa lahat, ang dahilan kung bakit minsan ay nawawalan na ng pag-asa ang bayan.
Dahil dumadami ang mga kaso ng korupsyon dito sa Pilipinas, at tumataas ang bilang ng mga gutom at mahihirap na Pilipino, marahil maiintindihan natin na marami ang na-turn off sa sinabi ni Sec. Ermita.
Subalit huwag nating alisin ang galak sa ating mga dibdib sa mga pangako ni Obama, dahil kapag nagtagumpay ang Amerika na labanan ang pagdausdos ng pandaigdigang ekonomiya at laba­nan ang korupsyon, sagutin ang hamon ng global warming at ng mga banta sa kalikasan, isa ang Pilipinas sa maraming bansa sa mundo ang makikinabang kapag naipanalo ang ganitong laban.
Pero higit sa lahat, ang pag-asa at pagbabago ay dapat magsimula rito, sa sarili nating bayan, sa bawat isa nating mga puso. Sabi ni Obama, mas mahalaga sa isang pamahalaan na ito ay epektibo sa pagsagot sa mga pangangailangan ng kanyang mga mamamayan. Sinabi n’ya, na ang lahat ay magsisimula sa indibidwal na karakter ng bawat isa, na lahat tayo ay may responsibilidad at dapat ay may pananagutan.
Hindi ako nawawalan ng pag-asa para sa mahal kong Pilipinas. Kung ang Amerika ay may mga taong katulad mag-isip ni Obama, sa kanyang paninindigan, sa kanyang pagmamahal sa kapwa at sa bayan, sa kalakihan ng kanyang pag-asa para sa kaginhawaan at magandang bukas, alam ko maraming katulad n’ya sa ating mga Pilipino. At sa mga Pilipinong katulad ni Obama ko na rin maaaring ipagkatiwala ang pagbabago at pag-asa.
Patuloy ko po kayong inaanyayahan na ipadala sa akin sa mydarlene2007@yahoo.com o kaya ay i-text sa numerong 09292144014 ang inyong mga tanong at mga opinion, mga kwento at mga suhestyon. Sana po ay ilakip ninyo ang inyong pangalan at address sa inyong mga liham at text messages.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES