Pinapupunta na ng isang kongresista sa mga palengke ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) upang bisitahin ang mga tindahan ng bigas matapos makarating sa kanyang kaalaman na nagtaas ng P100 hanggang P200 ang mga negosyante sa bawat sako ng commercial rice.
Ayon kay dating NFA administrator at Nueva Ecija Rep. Edno Joson, may mga natatanggap siyang sumbong sa mga mamamayan na tumaas ang presyo ng bigas partikular na ang mga commercial rice.
Base sa reklamong natanggap umano ng mambabatas, ang dating P1,300 na commercial rice ay ibinebenta na ngayon sa P1,500 habang ang mga de kalidad na bigas ay hanggang P200 ang itinaas ng presyo.
Wala aniyang basehan ang mga ganitong uri ng pagtaas dahil wala namang shortage sa supply ng bigas kaya dapat nang libutin ng NFA ang mga palengke para alamin ang katotohanan.
“Palagay ko kailangang mamalengke na ang NFA,” ani Joson kung saan dapat sorpresang pagbisita ang gawin upang may mahuling mga negosyante na magsasamantala.
Katatapos lamang aniya ng anihan at kasalukuyang nagtatanim na ang mga magsasaka kaya walang dahilan para tumaas ang presyo ng bigas sa kasalukuyan.
Nais ni Joson na kapag may mahuling negosyante na nagtaas ng presyo ay sampahan ito ng kaso ng NFA upang maipakitang seryoso ang gobyerno sa pagpaparusa sa mga mapagsamantalang negosyante.
Lalong dapat aniyang magbantay ngayon ang NFA dahil sa banta ng krisis sa ekonomiya ng bansa bunsod ng epekto ng global financial crisis.
Ipinaliwanag ni Joson na nagliliparan ang mga buwitre kapag panahon ng krisis kaya dapat kumilos ang gobyerno sa lalong madaling panahon.
|