January 23, 2009 Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Ano’ng matututunan ni Obama kay Gloria?
Nina Boyet Jadulco, Rey Marfil at Eralyn Prado
 

Katakut-takot na kantiyaw at pagbatikos ang inabot ni Executive Secretary Eduardo Ermita mula sa mga senador at sa hanay ng oposisyon dahil sa kontrobersyal nitong pahayag na maraming matututunan si US President Barack Obama kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kabilang sa mga nadismaya sa pahayag ni Ermita sina Senate Minority Floor Leader Aquilino “Nene” Pimentel, Sens. Panfilo “Ping” Lacson, Francis “Chiz” Escudero, Francis Pangilinan at United Opposition (UNO) president at Makati Mayor Jejomar Binay.
Naunang sinabi ni Ermita noong Miyerkules na maraming matututunan si Obama kay Pangulong Arroyo, lalo pa’t ang Pilipinas ay hindi gaanong apektado ng global financial crisis.
“First of all, our President is ahead of Obama and probably, I would think that if there’s anything to be learned, it should be President Obama learning from President Arroyo. And wouldn’t we be proud to say that the Philippines continues to be an ‘island of calm’ because of the present crunches?” ani Ermita.
Ayon naman kina Pimentel at Pangilinan, masasabu­yan lamang ng kabantutan si Obama kung makikinig ito kay Mrs. Arroyo hinggil sa paraan ng pagpapatakbo ng isang bansa.
Binanggit pa ni Pimentel na kapag pinatulan ni Obama si Mrs. Arroyo, magiging tanga ito sa mata ng mga taong nakakaalam ng masamang paraan ng pamumuno ng ating Pangulo.
“Ginagawang tanga ni Ermita si Obama,” pahayag pa ni Pimentel.
“Bilang pinaka-unpopular na Pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas, bilang Pangulo ng isa sa pinaka-corrupt na bansa sa Asya ayon sa Transpa­rency International at bilang bukod tanging head of state na nasampahan ng kaliwa’t kanang impeachment complaints. Ano kaya ang magandang maituturo niya (Arroyo) kay Obama?” ani Pangilinan.
“Hindi ito joke at hindi ito laro,” pahayag naman ni Escudero kasunod ang pangamba na baka maapektuhan ang relasyon ng Pilipinas sa Amerika kapag nainsulto si Obama.
“Huwag sanang isiping insulto ito ni Obama dahil baka maapektuhan ang relasyon natin sa Amerika,” dagdag pa ng senador.
Painsulto namang sinabi ni Lacson na totoong maraming matututuhan si Obama kay Mrs. Arroyo tulad ng pagiging kapit-tuko sa puwesto sa kabila ng paulit-ulit na impeachment charges at katigasan ng loob na magbitiw sa puwesto kahit isinusuka ng sambayanang Pilipino.
“Marami talaga. ‘Yung huwag ma-impeach maski malinaw ang ebidensya. Isa lang ‘yan. Marami ‘yan, aabutin tayo maghapon,” ani Lacson.
Sinabi naman ni Mayor Binay na isang malaking katatawanan ang sabihin ni Ermita na maaaring magiging idolo ni Obama si Pangulong Arroyo. Subalit, aniya pa, si Mrs. Arroyo umano ang perfect adviser kung kakailanganin ni Obama ng payo hinggil sa pandaraya sa eleksyon, korapsyon, mismanagement at political repression.
“What exactly can Mrs. Arroyo offer to Obama? Her administration has sailed from one corruption scandal to another, there is record poverty and unemployment, and her human right records has upset international groups,” ayon pa kay Binay.
Hindi rin umano dapat na kalimutan ng lahat na ang pagkaluklok kay Mrs. Arroyo sa kapangyarihan ay dahil sa malawakang pandaraya noong 2004 elections.
“Iyan ba ang gusto nilang i-share kay Obama? Baka mapahiya lang sila kapag pinuna ang kanilang record,” dagdag pa ni Binay.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES