Malupit na paghihiganti ang ipinalasap ng isang lalaki sa tomboy na umagaw sa pagmamahal ng isang dalaga na kanyang dating karelasyon matapos halihawin ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima habang naglalaro ng video game sa labas ng kanilang bahay sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.
Sumirit ang dugo sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan at nasa kritikal na kalagayan sa Tondo Medical Center ang 32-anyos na biktima na nakilalang si Joan Pama, taga-Block 12, Area 3, Longos, Malabon.
Sa imbestigasyon ni PO1 Benjamin Sy ng Malabon Police-Station Investigation Division, dakong ala-una ng madaling-araw, naglalaro ng video game ang biktima sa Block 8, Area 3, Longos, nang biglang sumulpot ang suspek na kinilalang si Michael Ignacio, nasa hustong gulang at nakatira sa Hito St. ng nabanggit ding barangay.
Ayon sa nakalap na impormasyon ni PO1 Sy, kasama umano ng biktima ang babaeng pinag-ugatan ng krimen na nakilalang si Marynoll Poamarijos at sandaling kinompronta pa umano ito ng suspek kung saan pinagsabihan pa ng mga katagang “Ipagpapalit mo rin lang ako dito pa sa tomboy na `to!”
Kasunod nito, sinugod ng suspek ang biktima at walang salitang hinalihaw ng saksak sa katawan. Hindi na nakuhang makailag at makatakbo ng biktima kaya bumaon sa katawan nito ang halos lahat ng pinakawalang saksak ng suspek.
Saka lamang umalis ang suspek nang humandusay na ang biktima at naliligo sa sarili nitong dugo.
Agaw-buhay na isinugod ang biktima sa nasabing ospital ng kanyang mga kaanak upang maisalba at ipinabatid na rin sa mga pulis ang pangyayari.
Ayon pa kay PO1 Sy, naagaw umano ng biktima kay Ignacio ang dati nitong karelasyon na si Poamarijos.
Ito ang dahilan upang magalit at magtanim ng sama ng loob ang suspek sa biktima lalo na nang malaman umano nito na nagli-live-in na ang dalawa.
|