Dahil sa pag-pull-out ng puwersa ng Israel sa Gaza Strip, nagbabalak nang bumalik sa nasabing bansa ang mga Filipino na inilikas ng gobyerno, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ni DFA Spokesman Bayani Mangibin na ang mga inilikas na Pinoy na naipit sa kaguluhan sa Gaza ay nagpahayag ng pagnanais na makabalik sa Gaza dahil sa paniniwalang magkakaroon na ng katapusan ang kaguluhan at mananaig ang ipinapanawagang ceasefire.
Kahapon ay nagsimula nang umalis ang mga tropa ng Israel sa Gaza Strip subalit nananatili ang puwersa sa border.
“Doon na rin sila lumaki, doon na ang buhay nila. Kaya kung nararamdaman nila ang kapayapaan during sa ceasefire ay tatagal, babalik din sila,” pahayag ni Mangibin.
Matatandaan noong Miyerkules ng gabi ay sinalubong ng mga opisyal ng gobyerno ang 34-Pinoy na inilikas mula sa Gaza. Sa 34-Pinoy, 24 sa mga ito ay pawang menor de edad, apat ang sanggol , walong bata at 12 tinedyer.
Dumating ang mga Pinoy mula sa Gaza sa Ninoy Aquino International Airport lulan ng Etihad flight EY-428 pasado alas-10:00 ng gabi noong Miyerkules.
May 16 Pinoy ang nauna nang dumating sa bansa noong Enero 9 matapos na makapuslit sa Gaza Strip at dumaan sa Erez, ang border ng Israel at Gaza.
|