Makakapuga na sana ang isang snatcher mula sa tumutugis na pulis kung hindi minalas ito at aksidenteng nahulog sa ginagawang kanal ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos biktimahin ang isang dalaga sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Nakakulong ngayon sa selda ng Caloocan City Police Station at nahaharap sa kasong robbery-holdup ang suspek na nakilalang si Rudy Sapno, 27, residente ng 29 Albay Alley, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Leo Glenn Calabio ng Station Investigation and Detective Management Branch, nangyari ang insidente dakong ala-8:30 ng gabi habang naghihintay ng masasakyang jeep ang biktima na si Carolyn Pagaduan, 22, sa Champaca St., Baesa ng nabanggit na lungsod.
Tumakbo ang suspek matapos makuha ang cellphone ng biktima. Ngunit hindi pa nakakalayo ay hinabol siya ng biktima habang sumisigaw kaya nakatawag ng pansin sa mga nagpapatrulyang tanod.
Sa gitna ng habulan, hindi napansin ng suspek na mayroong kanal at malaking butas sa kalsada kaya nahulog siya at doon nakorner.
|