“Natutulog pa siya ng iwanan ko”.
Ito ang nasambit kahapon ni Mark Antonio Milanez, 28-anyos at nursing student sa Emilio Aguinaldo College nang madatnang patay na ang ka-live in na si Fernandito Quera, 48-anyos, negosyante, sa tinutuluyan nitong kuwarto sa 2149 Claro M. Recto Avenue, Sampaloc, Maynila.
Nabatid kay PO2 Francisco Agustin ng Manila Police District-Station 4, natagpuang may tama ng baril sa kanyang ulo ang biktima dakong alas-2:45 ng hapon habang nakahiga sa kama sa loob ng kanyang tinutuluyang kuwarto sa nabanggit na lugar.
Nawawala rin umano ang mga mamahaling alahas, relos at hindi pa mabatid na halaga ng cash ng biktima sa loob ng kuwarto nito.
Ayon pa sa pulisya, posibleng kilala ng biktima ang suspek dahil walang nakitang palatandaan na pinuwersang sirain ang pintuan ng kanyang kuwarto.
Hindi isinasantabi ng pulisya ang motibong pagnanakaw pero iniimbestigahan din si Milanez bagama’t ipinahayag nito na wala silang problema ng biktima at hindi sila nag-aaway.
|