Alfie Lorenzo

Billy Balbastro

Abu Tilamzik

Allan Diones

Jun Lalin

Joe Barrameda


Pralala Et Cetera

Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

'Museum' manipis ang istorya pero nakaaaliw panoorin


Big hit sa North America (US at Canada) ang pambatang action-adventure-comedy na Night at the Museum.

Tampok dito si Ben Stiller bilang divorced father na si Larry Daley na hindi makahanap ng matinong trabaho kaya apektado pati ang kanyang paslit na anak na si Nick (Jake Cherry).

Nang mag-apply siya ng trabaho sa New York Museum of Natural History ay itinalaga siya bilang night guard, na tatanggihan niya sana pero napilitan siyang tanggapin dahil wala siyang choice.

Akala niya ay napakadali ng trabaho niya. Laking-gulat niya nu’ng pagsapit ng gabi ay biglang nabuhay ang lahat ng ‘nilalang’ na naka-display sa loob ng museo at guluhin ng mga ito ang kanyang tahimik na mundo.

Matapos mawindang sa isang gabi ng kababalaghan, handa nang magbitiw sa trabaho si Larry pero dahil sa kanyang anak na ayaw na niyang ma-disappoint muli, at sa payo na rin ng wax figure ni Theodore Roosevelt (Robin Williams), napagtanto ni Larry na may mahalagang misyon siya sa nasabing museo at ito ang magiging daan para lumabas ang kanyang angking kagitingan at kabayanihan.

***

Natural ang pagka-kwela ng bidang si Ben Stiller kaya kahit manipis ang istorya ng Night at the Museum ay aliw itong panoorin.

Syempre pa, ang kaabang-abang dito ay ang pagkakaroon ng buhay ng mga prehistoric creatures, ancient warriors, long lost tribes, legendary heroes at African mammals sa loob ng museo (dahil sa kapangyarihan ng isang ancient Egyptian tablet).

Bongga ang higanteng kalansay ng Tyrannosaurus Rex na animo’y asong nakikipaglaro kay Larry na hinahabul-habol ang ihinahagis niyang buto.

Sanrekwang makukulay na karakter ang matatagpuan sa Natural History Museum kaya labu-labo silang lahat doon na halos ikapraning ng hindi malaman ang gagawin na si Larry.

Naroon ang mabagsik at bayolenteng si Attila The Hun (Patrick Gallagher), ang dambuhalang Easter Island head (na mahilig sa bubble gum), ang mga sinaunang Neanderthal Men (na sabik sa apoy), si Christopher Columbus, at ang teenage Egyptian king na ginawang mummy na si Ahkmenrah (Rami Malek).

Tumulong kay Larry si Ahkmenrah sa pagsugpo sa tatlong matatandang dating guwardiya na magnanakaw pala, na sina Cecil, Gus at Reginald (ginampanan ng comic legends na sina Dick Van Dyke at Mickey Rooney, kasama si Bill Cobbs).

Ang 26th US president na naging kakampi ng bidang si Larry na si Teddy Roosevelt ay nakatagpo ng ‘leading lady’ sa mala-Pocahontas na American Indian na si Sacajawea (Mizuo Peck), na ayon sa US history ay nagsilbing guide sa historic expedition nina Lewis & Clark sa Pacific Northwest.

Agaw-eksena sa American Railroad dioramas ang mainitin ang ulong pinuno ng mga cowboy na si Jedediah (Owen Wilson, na unaccredited sa pelikula) na hindi makasundo ang matapang na Roman emperor na si Octavius (Steve Coogan).

Sobra sa kakulitan at pagiging pasaway ang Capuchin monkey na si Dexter na panay ang dukot ng susi, sabay pahabol kay Larry. Cute ang sampalan scene nilang dalawa.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top