Darating na ang LIGHTNING INA mo! Magsisimula sa Enero 26 (Sabado) sa ABS-CBN ang seryeng Volta, na pinagbibidahan ni Ai Ai de las Alas.
Sa pelikula apat na taon na ang nakararaan, single pa si Perla/Volta. Dito sa TV series, siya’y INA NA!
Napangasawa niya ang SHOKOT investigator na si Mark (Jayson Gainza) at nagkaroon sila ng dalawang anak, sina Salty (Dino Imperial) at Pepper (Nariel Pamintuan).
Itinago ni Perla ang kanyang secret identity para maging enemy-free ang kanyang family, kaso, may powers din pala ang mga anak niya.
Si Salty, malakas ang kuryente sa katawan, alter ego si 220.
Si Pepper, may lightning power na ay may strong smelling power pa, alter ego si 110.
Sa pagdating ng mga alien na Maskulado family, kasama ni Volta sa pakikipagtunggali sina 110 at 220.
Pero ano ba ang mas matimbang kay Volta? Ang puso ng isang ina, o ang puso ng isang lightning bida?
***
Ayon kay Direk Wenn V. Deramas, ang unang ikinunsidera na mapangasawa ni Volta ay si Sam Milby.
“Naisip ko, mas maganda kung komedyante rin para maganda ang batuhan. Maganda ang pagkakapili kay Jayson,” sabi ni Direk Wenn.
Sang-ayon dito si Ai Ai, “Si Jayson kasi, may timing sa comedy. Malambing siya. Marunong makisama. Hindi mayabang. Mabait siya.”
Malaking karangalan para kay Jayson na siya ang main leading man ni Ai Ai sa seryeng Volta.
Ani Jayson, “Nu’ng una, nahihiya ako sa kanya. Kilalang-kilala na po siya. Nu’ng mag-usap kami, nalaman kong malambing siya. Madaling malapitan.
“Siya pa ang unang bumabatai. Down-to-earth siya.” (JDO)
|