Kinatigan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang posisyon ni Liberal Party (LP) presidential bet Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na huwag kikilalanin ang chief justice na itatalaga ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Sen. Escudero, miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC), tama ang gagawing hakbang ni Aquino kung ito ang magiging susunod na Pangulo ng bansa.
Nauna rito, winakwak ng Malacañang ang posisyong inihayag ni Aquino na huwag kilalanin ang itatalagang chief justice ni Arroyo kapag ito ang nahalal na Pangulo.
Sa panayam sa Malacañang, sinabi nina Press Secretary Cerge Remonde at Presidential Adviser on Political Affairs Prospero Pichay na nakasaad sa kasalukuyang Saligang Batas na puwedeng mag-appoint si Pangulong Arroyo ng anumang vacancy sa SC sa anumang panahon dahil ito ay prerogatibo ng Pangulo at puwede rin itong magtalaga mula sa kasalukuyang hanay ng SC Justices kahit walang rekomendasyon ang JBC.
Ayon pa kay Pichay, dapat mag-sorry si Aquino sa SC dahil tila nagbabanta ito sa nasabing institusyon na isang independent branch of government. Malaking “blunder” umano ang ginawa nito na dapat ituwid sa lalong madaling-panahon.
“It’s very irresponsible. You combined arrogance with ignorance. You’re not yet the President of the Republic but you are already assuming...You do not threaten a co-equal branch of the government...I hope he will come-out with an apology about his blunder,” ani Pichay.
Subalit ayon kay Escudero, tama ang posisyon ni Aquino dahil hindi maaaring pumili ang Pangulo ng susunod na chief justice dahil sa umiiral na “constitutional ban”, bukod pa sa wala pa namang inilalabas na listahan ang JBC.
“Dapat lang...kung ipagpipilitan ng Malacañang na i-bypass at ‘di padaanin sa JBC ang pagpili,” ani Escudero.
Sa Kamara, sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares na base sa en banc resolution ng Supreme Court noong November 9, 1998, (case of Villarta and Valenzuela) nagpalabas ng desisyon ang Korte Suprema kung saan ibinasura nito ang appointment ng mga judges at justices na itinalaga ni dating Pangulong Fidel Ramos noong Mayo 1998.
“The Supreme Court has spoken. The President cannot appoint any member of the judiciary within two months from an election until the end of his term,” ani Colmenares.
Ibinase umano ang desisyon ng Korte Surpema sa isang prohibition sa ilalim ng Section 15, Article VIII ng Konstitusyon, kung saan ipinawalang bisa nito ang midnight appointments ng isang outgoing president.
Dahil dito, malinaw umano na hindi dapat magtalaga ang Pangulo ng bansa ng kahit sinumang miyembro ng hudikatura dalawang buwan bago ang eleksyon o bago matapos ang kanyang termino.