Binisita namin ang pictorial ng cast ng bagong telefantasyang Joaquin Bordado noong Sabado nang hapon sa Filmex studio sa Makati.
Naabutan namin ang mga bidang sina Robin Padilla at Iza Calzado habang nakabantay ang direktor na si Mac Alejandre.
Namangha kami sa mga costume ng mga character na lalabas sa mga tattoo ni Robin.
Bale siyam na tattoo ang mga ito na mabubuhay at may kani-kanyang misyon -- daga, ahas, kris, babaeng mandirigma, kerubin, musang, dragon, agila at halimaw.
Inabot ng anim na oras ang pagta-tattoo ng mga ito kay Robin.
Ang Joaquin Bordado ay nilikha ng pamosong si Carlo J. Caparas sa komiks at magsisimulang iere ng GMA 7 sa Pebrero 11.
***
Patungong Seoul, Korea si Iza Calzado sa Enero 18 (Biyernes) nang madaling-araw para dumalo sa awards night ng Korean Model Association.
Isa siya sa mga finalist na napili mula sa Pilipinas.
Sa Biyernes nang gabi ang awards night. Sa Sabado (Enero 19) nang gabi ay balik-Pilipinas na siya para ipagpatuloy ang maraming trabahong naghihintay sa kanya.
Pre-judged na ang mga finalist although hindi pa nila alam kung sinu-sino ang napili ng mga hurado.
Masaya si Iza sa working relationship nila ni Robin Padilla sa Joaquin Bordado.
Apat na araw pa lang sila nagte-taping. Naramdaman niya agad ang pagiging gentleman ni Binoe.
Handa na siyang ma-link kay Robin. Pati ang non-showbiz boyfriend niyang si Jerry Garcia ay handa na raw sa bagay na iyon.
Busy man si Iza ay nagkakaroon siya ng chance na makapiling ang kanyang boyfriend na si Jerry nitong Kapaskuhan.
***
Tuwang-tuwa si Direk Mac Alejandre sa working habit ni Robin.
Aniya, wala itong tantrums. Masyado raw itong dedicated at passionate sa trabaho, kaya hindi siya nagtataka na nananatili itong namamayagpag.
“He’s very intelligent. He knows what we wants. Ano man ang status niya, pinagtatrabahuhan niya, that’s why he’s on top of the game,” papuri pa ni Direk Mac kay Robin.
Sabi pa ni Direk Mac, napakalakas ng chemistry nina Robin at Iza.
“Ang ibig sabihin ng chemistry, hindi lang romantic chemistry, kundi pati dramatic chemistry,” sey ni Direk Mac.
Makikita raw ang energy na nagwo-work kapag magkaeksena sina Robin at Iza.
Iyon nga raw eksenang kinumpronta ni Iza si Robin nang malaman ni Iza na assassin si Robin ay, “Beautiful! Beautiful!”
***
Nagbigay ng salu-salo si Senador Jinggoy Estrada kagabi para sa mga kaibigang press people kaugnay sa awards na natanggap ng Katas ng Saudi sa nakaraang Metro Manila Film Festival.
Hindi man ito malakas sa takilya ay malaking bagay ang mapansin ng mga hurado ang pelikula, plus ang acting award ng butihing senador.
Ginanap ang salu-salo sa Acacia restaurant na nasa panulukan ng Wilson at Ortigas sa San Juan City.
Sa nasabing salu-salo ay nanumpa sa harap ni Senador Jinggoy ang mga bagong halal na members of the board ng Philippine Movie Press Club sa pangunguna ng Presidente na si Rommel Gonzales.
***
Natupad ang pinapangarap ni Judy Ann Santos na makapiling ang kanyang ‘anak’ na si Yohan nang ilang araw sa isang beach resort.
Nangyari ito last weekend with Ryan sa Subic, kung saan nakipaglaro sila sa mga dolphins at whales habang naliligo sila.
Kitang-kita raw ang galak ni Yohan sa memorable na weekend na ‘yun na magkakasama sila.
Ang pelikulang Sakal, Sakali, Saklolo nina Juday at Ryan ay may special screening sa Los Angeles, Honolulu, San Diego, San Francisco, Milan at Middle East, kung hindi kami nagkakamali.
Magkakaroon ng sequel ang SSS pero hindi pa raw ito mangyayari sa MMFF 2008.
Clueless ang cast at production people sa ngayon sa balak ng Star Cinema. May lumalabas pa na gagawing television series ito.