Movie director ang ‘fling’ ng ex-girlfriend na naghahabol sa young actor. Nalaman namin ang kuwento mula sa mga tao na saksi habang nagtutukaan ang movie director at ang controversial girlfriend.
Ayon sa aming informer, sunod ang luho ng ex-girlfriend sa movie director dahil ibinibigay nito ang lahat ng latest mobile phone na nagugustuhan niya.
Galante ang movie director dahil ang pamilya ng babae at hindi lamang ito ang nakikinabang sa kanyang generosity.
Noong Christmas season, iPhone ang Christmas gift ng movie director sa ama ng babae.
Para masorpresa si Tatay, inilagay ng movie director sa loob ng ham ang iPhone unit.
Nang marinig namin ang kuwento, naintindihan namin ang desisyon ng young actor na hiwalayan ang girlfriend na mapaglaro.
Finally, nagising sa katotohanan ang young actor na marami nang naririnig tungkol sa extra-curricular activities ng girlfriend niya pero hindi muna pinaniwalaan ang mga sumbong ng kanyang concerned friends.
***
A Funny Valentine ang title ng Valentine show sa Crowne Plaza Hotel nina Ogie Alcasid, Diana Zubiri, Verni Varga at Ai Ai de las Alas.
Si Annabelle Rama ang producer ng show. Hanggang ngayon, nalulungkot pa rin si Annabelle kapag naaalala ang malaking halaga ng pera na naholdap mula sa kanyang staff noong December 21, 2007.
Hindi pa nalulutas ang kaso. Wala pang lead ang mga pulis tungkol sa identity ng mga holdaper.
Ikinuwento sa amin ni Annabelle na malungkot ang kanyang pamilya noong Pasko dahil sa insidente.
Si Elvis ang pinakaapektado sa mga anak ni Annabelle dahil natangay ng mga holdaper ang buong talent fee niya.
Nalungkot si Elvis dahil mabigat na nga ang sungay na ginagamit niya sa taping ng Kamandag, hindi pa niya napakinabangan at na-enjoy ang kanyang talent fee.
May phobia na si Annabelle sa pagwi-withdraw ng malaking halaga ng pera sa bangko kaya nakaisip siya ng mabisang solusyon para hindi na niya kailangan na humawak ng daan-daang libong pera.
Hindi lamang ang mga talent fee ng kanyang pamilya ang natangay ng mga holdaper. Nakuha rin ang mga talent fee ng mga alaga ni Annabelle kaya siya ang magbabayad sa mga ninakaw na pera.
***
Ayaw paniwalaan ni Donya Fernandez ang balita na may tampuhan si Maja Salvador at ang mentor-discoverer nito na si Chit Ramos.
Sa email na ipinadala niya sa amin, sumusumpa si Donya na nakita niya na magkasama sa Tiendesitas noong December 25 sina Maja at Ate Chit.
Nakalagay sa email ni Donya na mukhang walang problema ang dalawa at taliwas ito sa mga balita na nag-aaway sila.
Kasama raw nina Maja at Ate Chit sa Tiendisitas si Carlo Aquino, ang rumored boyfriend ni Maja na pwedeng makapagpatunay na totoo ang kuwento ng email sender.
Posible raw na gimik lang ang away para mapag-usapan si Maja?
Matagal na naming kilala si Ate Chit. Hindi ang tipo niya ang gagawa ng gimik para mapag-usapan ang kanyang mga alaga.
Posibleng ibang babae na napagkamalan na si Ate Chit ang kasama nina Maja at Carlo sa Tiendisitas dahil sa aming pagkakaalam, may hidwaan pa rin si Maja at ang kanyang manager.
Sa pagkakakilala namin kay Ate Chit, hindi siya ang tipo ng tao na aalis ng bahay sa araw ng Pasko na hindi kasama ang kanyang mga anak. Just the same, hihingin pa rin namin ang kanyang panig.
***
Sina Rufa Mae Quinto, Jewel Mische at Michelle Madrigal ang mga celebrity manggagawa sa ‘Talyer’ episode ng Kung Ako Ikaw.
Mararanasan ng tatlo ang magtrabaho sa talyer at magkumpuni ng mga sasakyan.
Ang pinakamahusay na manggagawa ang tatanggap ng P100,000 cash prize.
Ang bisor ng talyer at ang televiewers ang pipili sa aktres na karapat-dapat na tanghalin bilang KAI Galing-Galing Celebrity Manggagawa of the Week.
Sina Joey Marquez at Keempee de Leon ang mga host ng Kung Ako Ikaw. Mapapanood ito sa GMA 7 mula Lunes hanggang Miyerkules.
***
Comments are welcome at jojogabinete@yahoo.com.