|
Nabuko na hindi gumagana ang fire truck ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nang magliyab ang isang bahagi ng gusali nito sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City kagabi.
Dakong alas-sais kagabi nang makarinig ang mga empleyado ng Kamara ng malakas na pagsabog mula sa electrical room na nasa ground floor ng south wing bldg. ng kapulungan.
Base sa mga testimonya ng mga empleyado, tumagal ng halos tatlong minuto ang sunud-sunod na pagsabog sa loob ng electrical room at kasunod nito ang pagbuga ng apoy at makapal na usok.
Bunga nito, agad na pinalabas sa kani-kanilang tanggapan ang mga empleyado ng mga kongresista na nag-oopisina sa south wing dahil agad na pinatay ang kuryente.
Subalit dismayado si House Speaker Feliciano Belmonte, dahil hindi agad naka-responde sa naganap na sunog ang inaasahan nilang fire truck sa loob ng Kamara.
“Tingin ako ng tingin sa relo ko tinitingnan ko kung gaano kabilis ang response time rito,” ani Belmonte pero hindi dumarating ang kanilang sariling fire truck sa halip ay nauna pang rumesponde ang mga bumbero na galing sa Fairview at Bgy. Commonwealth.
Dito na inamin ng mga tauhan ni Belmonte sa kanya na sira ang kanilang sariling fire truck kaya umabot ng mahigit 10 minuto bago narespondehan ang sunog.
Ipapatawag umano nito ang opisyales ng engineering department na siyang nangangasiwa sa fire truck na hindi malalamang sira pala o hindi gumagana kung hindi pa nangyari ang sunog.
Habang isinusulat ang balitang ito ay kontrolado na ang sunog at walang napaulat na nasaktan sa mga empleyado ng Kamara.
|