FEBRUARY 24, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
SPORTS NEWS


King James factor
ni Al S. Mendoza

Paano mo nga naman tatalunin ang Purefoods e meron siyang dalawang bertud noong Biyernes?

Una, nasa panig niya ang kasaysayan.
Pangalawa, kanyang-kanya si King James Yap.

Kasaysayan: Dalawang beses nang bumalikwas sa 0-2 deficit ang Purefoods.
Noong Biyernes ng gabi, ginawa niya itong tatlo nang tumbahin muli ng Purefoods ang Sta. Lucia, 106-98.

Sa panalong iyan, itinabla ng Purefoods ang serye, 2-2, sa best-of-seven finals nila ng Sta. Lucia.

At sa isang iglap, naging best-of-three big­la ang salpukang Purefoods-Sta. Lucia para sa kampeonato ng Smart PBA Philippine Cup.

Tila nagbabadya ang pagkaulit ng kasaysayan?
Noong 2002, bagsak din sa 0-2 ang Purefoods sa finals pero rumatsada ito at naibulsa nito ang Governors Cup laban sa Alaska, 4-3.

Naulit ito noong 2006, nang muling bumangon mula sa 0-2 hole ang Purefoods at itakbo nito ang Philippine Cup laban sa Red Bull, 4-2.

Ngayon, hayan at bukas muli ang pintuan para sa Purefoods. Nanganganib ang Sta. Lucia sa wari’y pakay ng Purefoods na kalkalin ang nakalipas.
At si King James?

Aba’y nag-alab ang kanyang mga kamay mula umpisa hanggang dulo ng laro noong Biyernes at wari’y muntik nang magsiklab ang Araneta Coliseum.

Umiskor siya ng conference-high 32 points. Tila baga ay yaon na ang huling laro ni King James sa balat ng lupa. ‘Di kasi, sinumang bantay ang ibato sa kanya ni coach Boyet Fernandez ng Sta. Lucia ay mistulang kawawang paslit.

Maging sa free-throw line ay sumingasing si King James. Sa 15 charities, isa lang ang mintis niya.

Hindi ko masisisi si King James kung ibuhos niya ang lahat noong Biyernes. Kasi, absent nga­yong gabi si King James dahil suspendido siya matapos niyang sapukin sa ilong si Joseph Yeo noong Miyerkules.

Pero, wari’y gumanti ang tadhana para sa Purefoods. Si Yeo naman ang sinuspindi nang tinawagan siya ng flagrant foul laban kay Noy Castillo noong Game 4.

Ang tanong: Makakatatlong sunod na panalo kaya ang Purefoods nga­yong gabi?
Mahirap. Wala si King James. At kung wala ang kanyang kamahalan, ma­ngangamote wari ang buong kaharian.

Sta. Lucia ngayong gabi?
Posible. Pero sabi nga, bilog ang bola.


 

 


Microsoft Internet Explorer 7