Bacolod City --- Halos nasa kamay na ng Canlubang ang kampeonato nang mamantina ang 11 puntos na abante laban sa mahigpit na karibal na Luisita matapos ang penultimate day ng 61st Philippine Airlines Interclub Senior Golf Tournament kahapon dito.
Nagtipon ang Sugar Barons nang pinakamagarang 148 puntos, salamat sa 53 ni Rolly Viray sa Bacolod Gold and Country Club para sa tatlong araw na total na 437. Pinantayan ng Luisita ang 148 para sa 426 subalit nabigong matapyas ang bentahe sa single digit sa nalalabing isang yugto na lang.
Katunayan, napataas pa ng Canlubang ang kalamangan sa 13 makalipas ang nine holes. Subalit ‘di nila natagalan iyon dahil sa pagsiklab ng Luisita sa huling tatlong butas.
“We didn’t play as impressive but Luisita played below par too. The 11-point spread could be the deciding factor and would be crucial in the final round,” litanya ni Canlubang team captain Tony Olives.
Humataw si Viray, isa mga senior veteran ng Canlubang, ng one-over 53 pts. upang pagbidahan ang nagtatanggol na kampeon.
|