Dear Tita Nora,
Naguguluhan po ako at hindi ko alam kung sino ang susundin ko.
Nagmamahalan po kami ng boyfriend ko pero magkaiba kami ng relihiyon.
Born again Christian po siya pero Catholic po ako. Magkasama po kami sa work.
Napapag-usapan na namin ang kasal.
Mahal ko po siya at wala akong nakikitang masama sa pinaniniwalaan niya. Naka-attend na nga po ako sa prayer meeting nila. God-fearing kasi siya at marami akong natututunan sa kanya kaya walang kaso sa akin kahit na maging born again na rin ako. Kaya lang po ay gusto ng mga magulang kong sa Simbahang Katoliko kami pakasal.
Ano po ang gagawin ko ngayon, Tita Nora? Sana’y mapayuhan ninyo ako.
Divina
Dear Divina,
Kung wala kang nakikitang masama at marami ka pa nga ‘ikamong magandang natututunan sa boyfriend mo’y huwag kang mag-atubiling sundin ang puso mo.
Kung hindi labag sa kalooban mong maging born again Christian na rin ay gawin mo. Huwag mong isakripisyo ang damdamin mo kung willing o handa ka namang sumunod sa pinaniniwalaan ng boyfriend mo. Ang importante’y pareho kayong nananalig sa Diyos. Isa pa’y tama lang namang magpasakop ang babae sa lalaki.
Kausapin mo na lang nang masinsinan ang pamilya mo at ipaliwanag sa mahinahong pamamaraan ang pasya mo’t naging plano ninyo.
Bagama’t mahalaga ang basbas ng magulang sa pag-iisang dibdib ng kanilang mga anak ay nasa inyo pa rin ang huling pagpapasya dahil kayong dalawa rin naman ang magsasama habambuhay.
Hindi na big deal pa kung sino man sa inyo ang mag-give way. Ang mahalaga’y nagmamahalan kayo, may tiwala at respeto sa isa’t isa.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora