FEBRUARY 24, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Takot sa pressure
ni Bernard Taguinod


Hindi na ako nagtataka kung bakit walang malakas ang loob na magbunyag ng katiwalian sa gobyerno dahil sa tindi ng pressure na kinakaharap ng mga napipilitang magsalita ng katotohanan tulad ng nararanasan ngayon ni Rodolfo “Jun” Lozada Jr.

Aba’t kung paramihan ng kaso, mukhang lalaban na ng husto si Lozada sa dami ng kasong nakaambang isasampa laban sa kanya dahil sa pagsasabi ng kanyang tunay na nalalaman sa ZTE-National Broadband Network (NBN) contract.

Pati ang pagkatao ng isang whistleblower ay kinakalkal kahit wala namang kaugnayan sa isyung kanyang ibinunyag para lang sirain ang kanyang kredibilidad.

Dagdag pa sa pressure kay Lozada ang iyaking tauhan na si Erwin Santos na kahit yata tumalon sa Pasig River ay walang maniniwala sa kanya.

Sa dinami-dami kasi ng TV station na pinuntahan sa Channel 4 pa na ang nagpapatakbo ay paboritong tauhan ni Aling Gloria na si Sec. Cerge Remonde.
Hindi kaya ito ang dahilan kaya aligaga si CHED chairman Romy Neri na magsalita dahil baka makalkal ang kanyang pagkatao simula ng maging tao ito?

Dinig ko kasi, marami rin daw lihim ni Mang Romy na puwedeng maisiwalat sa publiko kapag nagkamali itong magsalita at banggain ang Malacañang na nagbigay ng break sa kanya sa national government.

Dahil economic officers sa Kamara si Mang Romy simula noong panahon ni dating House Speaker Ramon Mitra at nagpatuloy ang kanyang career sa Kamara nang si Pangasinan Rep. Jose de Venecia ang namuno sa Kamara simula noong 1992.

Nabigyan ito ng full break sa gobyerno nang kunin siya ni Mrs. Arroyo bilang director general ng National Economic Development Authority (NEDA) kung saan sa kanya dumaan ang ZTE-NBN contract.

Sa tagal daw ni Neri sa gobyerno, ni-research na raw ang kanyang pagkatao at kapag nagkamali daw itong magsalita ng katotohanan sa likod ng ZTE-NBN contract, si­singaw ang lahat ng baho daw niya.

***

High School na ako noong EDSA 1 pero aaminin ko, hindi ko alam ang nangyayari noon sa EDSA dahil enjoy na enjoy ako sa high school life na walang kapantay at walang pakialam sa gobyerno.

Bukas ang ika-22 taong anibersaryo ng EDSA 1 at malaki daw ang nagawa ng mapayapang people po­wer laban kay Macoy para mabago ang takbo ng buhay ng mga Filipino.

Marami ang nagkuwento sa akin na bago ang EDSA 1, disiplinado daw ang mga tao lalo na sa Metro Manila, marunong sumunod sa batas at marunong matakot ang sambayanan.

Ang problema nga lang, habang hinigpitan ang taumba­yan ng diktaduryang gobyerno ni Marcos, marami naman ang umabuso sa kanilang kapangyarihan dahil walang paraan upang maibunyag ang mga corruption sa gobyerno.

Takot daw kasi lahat ang mga tao kay Marcos at abusado ang mga awtoridad noon. Namulat lang ang lahat ng mapatay si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., na naging dahilan para magkaroon ng EDSA People Power.

Ang problema nga lang, ang disiplina noong panahon ni Marcos ay nawala kasabay ng pagbagsak ng diktadurya. Hindi ko alam kung bakit pero palagay ko hindi lang ang mga tao ang nawalan ng disiplina kundi ang mga taong gobyerno na nagkaroon ng kalayaan na mangurakot ng husto.

 

Microsoft Internet Explorer 7