FEBRUARY 24, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Nasaan ang tatag?
EDITORIAL


Kumpiyansa si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi na mauulit sa ilalim ng kanyang administrasyon ang EDSA 1 at EDSA 2 na kapwa nakapagpatalsik sa dalawang lider ng bansa.

Naniniwala ang liderato ng gobyerno na hindi magtatagumpay ang ilang beses na pagtatangka laban sa kanyang administrasyon dahil nangingibabaw ang magandang ekonomiya ng ating bansa na hindi naranasan sa ilalim ng pangangasiwa ng dalawang pinatalsik na sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.

Hindi pinapansin ni Pangulong Arroyo ang sambayanang Filipino ang anumang kaguluhang nangyayari sa pulitika sa ating bansa dahil nakatuon ang pansin ng mga tao sa katatagan at pagsulong ng ating ekonomiya.

Bahagi ng paulit-ulit na pagmamalaki ni Pangulong Arroyo na ugat ng maganda at matatag na ekonomiya ng bansa ay ang paglakas ng palitan ng piso at mababang presyo ng mga bilihin.

Nakakalungkot isipin na sa kabila ng kaliwa’t kanang pagkalampag sa liderato ni Pangulong Arroyo na bumaba na sa posisyon dahil sa kawalan nito ng kakayahang pamunuan ang bansa bunsod ng pagkakadawit sa napakaraming eskadalo, partikular ang pinakahuling anomalya sa National Broadband Network (NBN) deal ay napaka-posi­tibo pa rin ng pananaw ng ating Pangulo sa kanyang liderato.

Bagama’t bilang lider ay kailangang itaas ang iyong sarili pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon kagaya ng sitwasyon ngayon ni Pangulong Arroyo.
Oo nga’t bahagi ng pagbebenta ng sarili ang pagpapabango subalit kailangan pa rin ng Pangulo na tanggapin ang mga aspeto kung saan kitang-kitang may pagkakamali na ang kanyang liderato.

Kung ganyang nagkakasabit-sabit na ang gobyerno sa napakaraming eskandalong kinakasangkutan, bakit kailangang ipamukha sa sambayanang Filipino na matatag ang gobyerno at ipangalandakang balewala sa taumbayan ang kaguluhang nangyayari, gayung ramdam na ang pag-aalsa ng iba’t ibang sektor ng ating gobyerno na isang malinaw na indikasyon na hindi kuntento sa kanyang pamamahala?

Huwag nang magbulag-bulagan ang administrasyong Arroyo, dapat ay tanggapin nito anumang parusang hatid ng kabulastugang ginawa sa sambayanang Filipino!

 

Microsoft Internet Explorer 7